ANG kay Pedro, dapat ibigay kay Pedro. Ang pinaghirapan ni Juan dela Cruz, marapat lang na makuha niya dahil ang bawat sentimong katumbas nito, kanyang pinagtrabahuhan.
Sa pagkakait ng mga negosyanteng ibigay ang sahod na pinaghirapan ng kanyang empleyado, makikita ang ganid na namamayani sa gitna ng isang krisis.
Ang higit na nakagagalit – hinayaan muna nilang magtrabaho ang kanilang empleyado, at saka sasabihing bawal kasi hindi pa bakunado.
‘Yan ang kagulangan ng ilang negosyanteng pilit binabawi ang nawalang kita sa mga panahong ‘di pa pinahihintulutan ng gobyerno ang pagbubukas ng kanilang negosyo.
Wala saan mang aklat ng batas nakasaad ang polisiyang “no vaccine, no salary.” ‘Yan ang totoo, pero dahil sa mga unang banta ng Pangulo, tila inakala nilang legal ang diskriminasyon sa mga hindi pa bakunado.
Sa isang banda, tama lang na gawing ligtas ang lahat ng lugar ng pinagtatrabahuhan laban sa nakamamatay na COVID-19 na nagpabagsak sa ating kabuhayan. Gayunpaman, marapat lang sigurong bilhan din ng mga negosyante ng bakuna ang kanilang empleyado kung nais nilang mabilis na makabangon ang kanilang negosyong ‘di rin naman kikita kung wala ang kanilang mga empleyado.
O ‘di naman kaya, sila na mismo ang mag-asikaso sa pagpapatala ng kanilang mga empleyado.
Sa gitna ng nakagugulantang na pagsisiwalat ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), maraming nakisawsaw na politiko na animo’y may solusyon o alternatibo.
Higit pa sa usapin ng polisiyang “No vaccine, no salary” ay ang mga epal na politiko. Dangan naman kasi, sawsaw rito, sawsaw roon sa hangaring mapansin.
Sa suliranin ng mga empleyado, dapat magbigay linaw ang gobyerno sa polisiyang ipinaiiral nito. Pero sino ang maglalakas loob sa mga Sekretaryo kung ang mismong Pangulo may sariling pakulo.
Ilang ulit na nga bang nangusap at nagbanta ang Pangulo sa mga hindi pa bakunado? Minsan niyang sinabi sa harap ng publiko ang atas niyang pagbitbit sa mga ‘di pa nabakunahan pabalik sa kani-kanilang tahanan. Sinabi rin minsan ng Pangulo, dapat pasukin sa bahay ang mga ‘di pa bakunado at turukan habang natutulog ang mga ito.
Ang totoo, masalimuot ang solusyon kontra pandemya. Pero hindi bahagi at kailanman, hindi solusyon ang diskriminasyon.
195 