ARESTADO sa mga operatiba ng Cubao Police Station (PS-7) ang tatlong suspek na gumagawa umano ng fake swab test results, kahapon sa Cubao, Quezon City.
Kinilala ni P/Lt. Col. Elizabeth Jasmin, commander ng PS-7, ang mga suspek na sina Bonifacio Bautista, Jr., 50, residente ng Cambridge, Brgy. E. Rodriguez, Quezon City; Guilma Cadilo, 45, residente ng NTE Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal, at Alberto Bautista, 22, residente ng Brgy. Quianan, San Juaquin, Iloilo.
Ayon sa ulat, noong Oktubre 18, 2021, ang complainants na kinilalang sina Junalie Sambayan at Julius Anfone ay nag-booked online sa Jumel Booking para sa kanilang biyahe patungong Iloilo.
Dakong alas-9:00 ng umaga noong Oktubre 19, 2021, ang mga biktima ay inihatid ng suspek na si Alberto Bautista sa No. 3 Cambridge St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Pagdating nila sa lugar, sinabi ng suspek na si Cadilo sa mga biktima na magbayad sila ng P16,000 para makumpleto ang proseso ng kanilang biyahe at lahat ng kanilang gastusin.
Bandang alas-4:00 ng madaling-araw noong Oktubre 20, 2021, si Bautista Jr. ay nagbigay ng COVID-19 RT-PCR test results at certifications at sinabi sa mga biktima na maaari na silang magbiyahe.
Nang dumating ang mga biktima sa airport, nabigla sila nang sabihin sa kanila ng security guard na peke ang kanilang mga papel.
Bunsod nito, nagsumbong ang mga biktima at humingi ng tulong sa PS-7 na agad namang umaksyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Sa pagberipika sa Philippine Red Cross, natuklasan na ang nasabing swab test results ay pawang palsipikado.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong estafa sa thru falsification of documents. (JOEL O. AMONGO)
