BUDGET NG DAR SA SCHOLARSHIPS INALMAHAN NI MARCOS

KINUWESTYON ni Senador Imee Marcos ang Department of Agrarian Reform (DAR) kung bakit tanging 33 scholarship grants ang inaprubahan nito gayong libo-libo ang mga batang benepisyaryo ng land reform ang nag-apply.

“Mas maraming nabigo kaysa natuwa, ngayon pa namang nagmahal ang edukasyon dahil sa pandemya,” saad ni Marcos, sa gitna ng pagdiriwang ng ika-50 taong paglunsad ng Presidential Decree 27 sa land reform program sa bansa.

Binigyang diin ni Marcos na nasa P2.357 million lang ang nagastos para sa mga scholarship grant gayong nakatengga lang ang nasa Php800 million na pondo ng DAR sa kontrobersyal na PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management), na ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno para lumabas na ang mga di nagastos na pondo ay may nilaanang proyekto at para hindi ito maisoli sa national treasury.

“Kulang ang dedikasyon at paningin dito, nang ipagdamot ng DAR ang benepisyo para sa mga karapat-dapat na makinabang nito gayong nai-flag ng COA (Commission on Audit) na natutulog lang ang P800 million na unliquidated funds sa PS-DBM,” giit ni Marcos.

Para maresolba ang kakapusan, hinimok ni Marcos ang DAR na taasan ang pondo para sa scholarship grants sa ilalim ng panukalang badyet nito sa 2022, sabay banggit na sa kasalukuyan, mas mababa pa sa 1% ng P400 million ang inilaan para sa kaparehong programa para sa coconut farmers o mga magniniyog.

Idinagdag pa ni Marcos na mapapaganda pa ng DAR ang kanilang accomplishment record sa pamamahagi ng lupain sa mas maraming magsasaka kung ang mga lugar na hindi kasing problemado ng Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas regions ay bigyan ng karagdagang atensyon. (DANG SAMSON-GARCIA)

142

Related posts

Leave a Comment