2021 PBA Philippine Cup Finals, Game 2 2nd WIN TUTUHUGIN NG TNT

Ni ANN ENCARNACION

ITULOY ang momentum mula Game 1 tungo sa Game 2 ng 2021 PBA Philippine Cup best-of -seven finals ang asam ng TNT kontra Magnolia ngayong Biyernes.

Lamang na ng isang laro ang Tropang Giga laban sa Hotshots na pinadapa nila, 88-70, noong Miyerkoles sa DHVSU gym sa Bacolor, Pampanga.

Ngayong alas-6 ng gabi ay sisikapin ng TNT na makadalawa sa Magnolia, na hindi nakaporma sa Game 1 matapos dominahin ng una mula simula hanggang dulo.

Pangalawang beses pa lamang nagkatapat ang dalawang teams ngayong season. Ang una ay noong elimination round noong Setyembre 5, kung kailan tinalo rin ng Tropang Giga ang Hotshots, 83-76.

Kung tutuusin ay mas pahingado ang mga bata ni Magnolia coach Chito Victolero dahil mas nauna silang umabante sa finals matapos sibakin sa Game 6 ng semifinals ang ­Meralco Bolts ni coach Norman Black.

Umabot naman sa decider Game 7 ang tapatan ng TNT ni coach Chot Reyes at San Miguel Beermen ni coach Leo Austria. Ngunit sa kabila ng mas maikling pahinga (dalawang araw lang) ng mga Katropa, hindi kinakitaan ng pagod at bagkus ay mas naging agresibo sila sa Game 1 ng final series kontra Hotshots.

“This is already our ninth game in the playoffs, and we’ve been in playoff mode since the Ginebra game in the quarters. Today was no different, we wanted our focus, our energy, our preparation to be according to the rhythm we’ve established,” pahayag ni Reyes sa postgame kamakalawa.

“Our concern now is to be better. We wanted to be better in the finals than in the semis. I thought if we came into the finals and just put the same game we put in the semis, we would be in ­trouble,” dagdag niya.

Pinamunuan ni 2021 PBA Rookie Draft 4th overall pick Mikey Williams ang Tropang Giga sa kanyang game-high 21 points sa 5-of-6 shooting from three, na sinamahan pa ng 10 rebounds, limang assists at dalawang steals sa 28 minutong paglalaro.

Samantala, hindi pa tiyak kung makapaglalaro ngayong gabi ang teammate niyang si Kelly Williams, na nagtamo ng back injury at inilabas sa dug-out on stretcher noong Game 1.

“He might have strained his back. It doesn’t look good for now,” ayon kay coach Chot.

267

Related posts

Leave a Comment