PASTRY SHOP LIMAS SA MGA KAWATAN

cake

WALANG pinalagpas na pagkakataon ang dalawang kawatang nanlimas ng humigit kumulang P0.1-milyong kita ng sikat na Red Ribbon Bakeshop sa Barangay Tatalon, Quezon City.

Sa ulat ng Galas Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang pangho-holdap sa Red Ribbon Bakeshop sa panulukan ng Araneta at Quezon Avenue bandang alas-3:20 ng hapon ng dalawang salaring armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ni PSMS Edel Cañaveral, sinabi umano ni Stephanie Anne Viva na tumatayong kinatawan ng Red Ribbon, dalawang holdaper ang biglang pumasok sa kanilang tindahan at agad na itinutok ang armas kasabay ng pagdedeklara ng hold-up.

Bukod sa P100,000 bentang nilimas sa kaha ng nasabing establisimyento, sinamsam din umano ng mga kawatan maging ang kanilang mga personal na pag-aari – apat na mamahaling mobile phones, kabilang ang Samsung A20 cellphone, Samsung A50, Realme 6i cellphone at Realme 5i.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklong di rin naplakahan ng mga saksi. Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente. (LILY REYES)

163

Related posts

Leave a Comment