APAT na matagal nang pinaghahanap ng batas ang nasakote ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 na nasa pamumuno ni Regional Director Jonnel C. Estomo, sa inilunsad na law enforcement operation ng PNP Bicol.
Ayon kay PNP-PRO5 Spokesperson P/Major Maria Luisa Calubaquib, sa isinagawang manhunt operation sa Camarines Sur ay nadakip ang puganteng kinilalang si Jomar Panza y Cabiles, 38, walang asawa, residente ng Purok 4, Brgy. Comadogcadog, Del Gallego, Camarines Sur. Si Panza ay tinaguriang rank 10 municipal most wanted person (MMWP) sa kasong frustrated murder.
Nasakote naman sa Brgy. San Esteban, Nabua, Camarines Sur ang rank 10 MMWP ng Nabua MPS na kinilalang si Jayson Aballa y Bermejo, 41, residente ng nabanggit na lugar. Ito ay sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng MCTC, Nabua-Bato noong Setyembre 15, 2021 para sa kasong acts of lasciviousness.
‘Di na rin nagawang makatakas pa ang tinaguriang rank 4MMWP ng Barcelona MPS nang ito ay makorner ng mga operatiba ng Pulis Kasanggayahan Anti-Kidnapping Group (AKG) at San Pablo CPS sa Purok 3, Brgy. San Miguel, San Pablo City, Laguna.
Ang akusado ay tinukoy na si Roque Petil y Sino alyas “King Jerry,” 68-anyos, construction worker. Si Petil ay labing tatlong taon nang nagkukubli sa batas para sa kasong rape.
Ginulantang naman ng Masbate Police Provincial Office ang tinaguriang
rank 6 MMWP ng Balud MPS nang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Botongon, Estancia, Iloilo.
Kinilala ang suspek na si Apolinario Leonora y Delfín, alyas “Apolinario Leomar y Delfin”, 39-anyos, magsasaka at residente ng Brgy. San Antonio, Balud, Masbate. Si Leonora ay nahaharap sa kasong
frustrated murder sa RTC Branch 46, Masbate City. (JESSE KABEL)
275 