NAKATAKDANG ipatawag ng Pasay City Council si Pasay City Chief of Police Col. Cesar Paday-os matapos ang insidente ng pamamaril noong Linggo sa barangay hall na ikinasugat ng barangay chairman at tauhan nito sa Maricaban, Pasay City.
Napag-alaman ng mga konsehal na walang pulis sa bisinidad nang mangyari ang insidente kung saan malapit sa barangay hall ang isang PCP station.
Nais ng mga konsehal ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pangunguna ni Vice Mayor Bhoyet Del Rosario, na magpaliwanag si Col. Paday-os sa kawalan ng mga pulis sa lugar nang mangyari ang insidente.
Hanggang sa ngayon wala pang malinaw na motibo sa pamamaril ng riding in tandem na ikinasugat ni Barangay 179 Chairman Marcelino Iban at isang miyembro ng Lupon.
Nabatid mula sa isang source na tinamaan ng bala sa hita ang chairman at sugatan din ang tauhan nito matapos pagbabarilin ng mga suspek ang barangay hall. Agad namang naisugod sa Ospital ang mga biktima. (DAVE MEDINA)
187 