PANIBAGONG pasakit sa mga public school teacher na mapipilitang balikatin ang gastos sa internet sa kanilang pagtuturo sa kasalukuyang distance learning.
Ito ay dahil marami umano sa mga simcard na ibinigay ng Department of Education (DepEd) ang nag-expire na habang ang iba ay mag-e-expire na rin.
Dahil dito, umapela ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa DepEd na makipagdayalogo na sa mga guro para sa P1,500 internet monthly allowance ng mga ito.
“We received reports that the Smart sim cards used for the DepEd 349 plan has expired for some or are set to expire within this month, three months since its activation,” ani ACT Secretary General Raymond Basilio.
Nangangahulugan aniya ito na hindi na makatatanggap ng 1GB data kada araw ang mga public school teacher.
Ayon sa grupo na kinakatawan ni Rep. France Castro sa Kamara, kapag nangyari ito ay gagastusan ng mga guro ang gagamiting internet sa pagtuturo.
Umaapela ang mga mambabatas sa DepEd lalo na at iniutos na rin naman anila ng Malacañang na makipagdiyalogo ito para sa internet allowance ng public teachers.
Nabatid na Pebrero 2021 pa isinumite sa Malacañang ang petisyon na pinirmahan ng 15,000 public school teachers para sa P1,500 monthly internet allowance subalit hindi umano pinapansin ng DepEd.
“…but hoped that the statement made by Palace Spox Harry Roque signals a ‘change of heart’ for DepEd, especially in light of reports that the DepEd 349 sim has expired,” ayon pa kay Basilio.
Bukod sa internet allowance ay binabalewala rin umano ng DepEd ang panawagan ng mga public school teacher na bigyan sila ng overtime pay (OT) dahil 13 buwan umanong nagtrabaho ang mga ito sa nakaraang school year imbes na 10 buwan lamang. (BERNARD TAGUINOD)
168 