Sa 70% seat capacity ng PUVs BALIKAT NG PASAHERO BAWAL MAGDIKIT

SA pagpapatupad ng 70% seat capacity ng mga pampasaherong sasakyan, gagamiting pamantayan ng traffic enforcers at mga operatiba ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang mga balikat ng pasaherong lulan ng mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus at dyip.

Ito ang paliwanag ng I-ACT kasunod ng isang operasyon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City kahapon, kung saan nasita ang mga bumibiyaheng pampasaherong sasakyang may lulang higit pa sa itinadhana ng pamahalaan kaugnay ng public transport capacity.

Imbes na tiketan ang mga nahuling lumabag sa nasabing patakaran, binigyan muna ng babala ng I-ACT ang mga nasita – kabilang ang isang dyip na nagpaupo pa ng pasahero sa sahig ng sasakyan. Agad namang pinababa ang mga naturang pasahero kasabay ng warning sa tsuper.

Ayon sa I-ACT, hindi dapat magkakadikit ang balikat ng mga pasahero.

Kabilang din sa mga nasita ang isang airconditioned bus na umano’y nagsakay ng batang babae. Agad silang pinababa at pinayuhang sumakay na lamang sa taxi.

Paliwanag ni I-ACT Special Operations team leader Jose Manuel Bonnevie, bagama’t pinapayagan ilabas ang mga bata para sa essential na gawain, wala pa anilang partikular na panuntunan sa pagsakay nila sa mga PUVs.

Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng MRT3 ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health protocols ngayong itinaas na sa 70% ang passenger capacity sa mga tren.

“Sa mga nakaraang karanasan, halos estimated na rin namin yung mga pasaherong pumapasok per station. Kaya po ang aming programa noong nagkaroon kami ng simulation magmula nang magbukas tayo sa 30 percent, hanggang ngayon at naka-project din kami pagdating ng panahon na full capacity tayo, estimated namin (ang) bilang ng pasahero,” pahayag ni Transportation Assistant Secretary Eymard Eje, ang OIC general manager ng MRT3.

Dagdag pa niya, may nakatutok na rin aniyang mga marshal sa loob ng mga tren at station personnel na nagbabato ng mga detalye sa susunod na istasyon kung ilan pa ang pwedeng pasakayin sa tren.

Sa 70 percent, aabot na sa 827 ang passenger capacity sa MRT3.

Para naman sa LRT1, ang first generation na train ay pwede nang magsakay ng 785 na pasahero, 951 para sa second generation, at 972 naman sa third generation.

Ang LRT2 naman ay magkakaroon ng passenger capacity na 1,140. (FERNAN ANGELES)

198

Related posts

Leave a Comment