DEATH TOLL SA M7.8 MINDANAO QUAKE: 37

(JESSE RUIZ/JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE)

SUMAMPA na sa 37 ang bilang ng nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Southern Mindanao habang patuloy ang search, rescue at relief operations ng pamahalaan sa mga pinakaapektadong lugar.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Harold Cabreros, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Regions XI at XII, partikular sa Sarangani na kabilang sa mga lugar na pinakamalubhang naapektuhan ng lindol.

Batay sa pinakahuling datos ng OCD, umabot na rin sa 456 ang bilang ng mga sugatan habang mahigit 19,000 pamilya ang naapektuhan ng kalamidad. Sa bilang na ito, mahigit 17,000 pamilya ang mula sa Region XII at higit 2,000 naman sa Region XI.

Iniulat din na 460 kabahayan ang tuluyang nawasak habang 2,045 naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala.

Upang mapabilis ang assessment sa mga lugar na sinalanta ng lindol, muling nagpalipad ang Philippine Air Force (PAF) ng air assets para sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, muling dineploy ang S-70i Black Hawk helicopter ng Tactical Operations Group 11 mula Davao City upang magsagawa ng RDANA mission kasama ang mga tauhan ng OCD.

Nakatuon ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa search and rescue at retrieval operations, pagtugon sa pangangailangan sa pabahay ng mga pamilyang nawalan ng tahanan, at pagpapanatili ng sapat na suplay para sa relief operations sa Mindanao.

Sinabi ni OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito “Raffy” Alejandro IV na patuloy ang rapid damage assessment, relief distribution at rescue operations ng pamahalaan. Prayoridad din ang pagpapadala ng karagdagang responders, pagtulong sa mga evacuees, pagsasagawa ng inspeksyon sa mga paaralan at gusali, at pagpapanumbalik ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong komunidad.

Batay sa isinagawang assessment ng mga ahensya ng gobyerno, itinuturing na “hardest hit” area ang General Santos City.

Tiniyak naman ng NDRRMC na handa ang national government na punan ang anumang kakulangan sa mga apektadong lugar habang nananatiling manageable pa ang sitwasyon sa antas ng mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga agarang prayoridad ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga ospital kaya agad na nagpadala ang OCD ng generator sets at suplay ng gasolina upang matiyak ang tuloy-tuloy na kuryente sa mga pagamutan.

Patuloy rin ang search, rescue at retrieval operations ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Metro Manila Development Authority.

Samantala, suspendido rin ang operasyon ng ilang hukuman sa Mindanao kasunod ng epekto ng malakas na lindol.

Ayon sa Korte Suprema, layunin ng suspensyon na mabigyang-daan ang masusing inspeksyon sa integridad ng mga gusali ng Hall of Justice upang matiyak ang kaligtasan ng mga kawani at ng publiko.

Kabilang sa mga suspendido ang lahat ng korte sa Sarangani Province, mga korte sa Hall of Justice sa Davao del Sur, 2nd MCTC Hagonoy-Malalag at 3rd MCTC Padada-Kiblawan.

Kasama rin sa mga suspendido ang 5th MCTC Malita-Sta. Maria-Don Marcelino at 6th MCTC Jose Abad Santos-Sarangani sa Davao Occidental, gayundin ang mga korte sa Panabo City, Mati City, Nabunturan at South Cotabato.

Pasyente Pinasisiguro ni PBBM

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagtiyak sa kalagayan ng mga pasyente sa mga ospital na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Sa isinagawang situation briefing sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na dapat unahing masuri ang mga ospital at agad na makahanap ng ligtas na lugar para sa mga pasyenteng maaaring malagay sa panganib dahil sa epekto ng lindol.

Inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Health sa pamumuno ni Secretary Teodoro Herbosa at ang Department of Public Works and Highways sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon na magsagawa agad ng assessment sa mga pasilidad na naapektuhan.

Inutusan din niya ang Department of Energy sa ilalim ni Secretary Sharon Garin na tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga pagamutan.

Nakausap din ng Pangulo sa pamamagitan ng Zoom si General Santos City Mayor Lorelie Pacquiao upang alamin ang pangangailangan ng lungsod.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maibigay ang tulong sa mga apektadong komunidad.

Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Secretary Rex Gatchalian na natutugunan sa ngayon ang pangangailangan ng mga biktima.

Bawal Pang Maglayag

Kaugnay nito, hindi pa rin pinapayagang maglayag ang anomang uri ng sasakyang pandagat sa ilang bahagi ng Mindanao, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa panayam kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, kabilang sa mga lugar na nananatiling suspendido ang biyahe ang Sarangani, Davao Occidental, Jose Abad Santos at General Santos City.

Ayon sa PCG, patuloy silang nagsasagawa ng inspeksyon at pagsusuri sa mga pantalan at iba pang pasilidad katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Nauna nang pinayuhan ng PCG ang mga operator ng mga sasakyang pandagat na pansamantalang huwag maglayag upang maiwasan ang anomang panganib na dulot ng posibleng tsunami at iba pang epekto ng lindol.

Nakadeploy pa rin ang mga tauhan ng PCG, kabilang ang kanilang K9 units, upang tumulong sa search and rescue operations at relief efforts sa mga apektadong lugar.

(May dagdag na ulat si JOCELYN DOMENDEN)

72

Related posts

Leave a Comment