BALITANG NBA Ni VT ROMANO
UMISKOR si Shai Gilgeous-Alexander ng 28 puntos, tampok ang 34-foot 3-pointer sa nalalabing 1:18, upang talunin ng dayong Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Lakers, 107-104, kahapon (Biyernes sa Manila).
Nagdagdag si Luguentz Dort ng 17 para sa ikalawang panalo ng Oklahoma sa loob ng walong laro. Ang unang panalo ng Thunder ay laban din sa Lakers walong araw na ang nakalilipas.
Nagtala naman si Anthony Davis ng 29 points at 18 rebounds para sa Lakers, minus LeBron James (abdominal strain) na hindi rin naglaro sa first Lakers’ loss sa OKC noong nakaraang linggo.
Sumalang si Davis sa second half sa kabila ng sprained right thumb na resulta sa pag-aagawan nila sa rebound ni Gilgeous-Alexander sa second quarter.
Kumamada ang Thunder ng 13-0 run sa fourth quarter upang makuha ang unang kalamangan sa laro, 85-84.
Naagaw ng Lakers ang abante, 95-93, sa nalalabing 2:23 sa bank shot ni Davis, ngunit muling bumalikwas ang Thunder sa pangunguna ni Gilgeous-Alexander, 95-101.
Nakalapit pa ang Lakers, 105-104 sa 3-pointer ni Carmelo Anthony sa nalalabing 9.6 segundo bago tinapos ng Thunder ang game sa two free throws ni Dort, habang mintis ang tres ni Russell Westbrook.
Apat pang Thunder ang nagposte ng double-digit scores: Darius Bazley at Ty Jerome na may tig-14 points, Kenrich Williams, 13 at Derrick Favors, 10 points at 11 rebounds.
Nag-ambag si Westbrook ng 27 at 21 off the bench si Anthony para sa Lakers.
HEAT UPOS SA CELTICS
IPINAMALAS ng Boston Celtics sa Miami na hindi sila basta-bastang koponan nang payukuin ang no. 1 defensive team ngayong season na Heat, 95-78.
Nanguna sa anim na Celtics na umiskor ng double figures si Jaylen Brown, nagtala ng 17 puntos.
Ang Celtics ang first team, simula noong April 2018 nang mapigilan ng Toronto Raptors ang mga nakalabang teams na umiskor ng 80 puntos-pataas. Katunayan, ito ang “worst scoring night” ng Heat simula noong January 17, 2016 nang makapagtala lang sila ng 74 puntos na talo sa Oklahoma City.
“I wouldn’t say that’s the prototype for us offensively,” wika ni Celtics coach Ime Udoka. “Defensively, that’s exactly what we want it to look like.”
Maliban kay Brown, tumulong sa panalo ng Celtics sina Dennis Schroder may 14 points, Aaron Nesmith 13 at Romeo Langford may 12 points.
Bago dumayo sa Miami, dinaig din ng Celtics ang Orlando Magic, 92-79, noong Miyerkoles (Huwebes sa Manila).
Kasunod ito ng team dinner ng Boston matapos silang hiyain sa mismong homecourt ng Chicago Bulls, na nagawang umiskor ng 128 points kontra Celtics noong Lunes.
“Everyone’s locked in one through five,” pahayag ni Langford. “We guard through the whole possession. We limited those guys on second-chance points and guarded them individually.”
Umiskor si Jimmy Butler ng 20 points para sa Miami, na-injure ang bagong point guard na si Kyle Lowry (sprained left ankle) sa third quarter.
Nagdagdag si Duncan Robinson ng 16 at 13 mula kay Bam Adebayo.
Sa tindi ng depensa ng Celtics ay nakapagtala lang ang Heat ng 35% shooting percentage, 9 for 41 from 3-point range at total 54 points sa final three quarters.
Naitala ng Heat ang second-worst second quarter sa franchise history sa points scored (9, sobra pa ng dalawa sa game kontra Charlotte noong December 23, 1995) at point differential (24, kulang ng dalawa sa 26-point difference laban pa rin sa Charlotte noong March 11, 2020).
CLARKSON BIDASA JAZZ WIN vs HAWKS
SA Atlanta, nagsimula sa “one of his worst games” si Jordan Clarkson ng Utah Jazz, ngunit sa pambubuyo ng kanyang teammates ay unti-unting nakakuha ng kumpiyansa at inakay pa ang kanyang koponan sa 116-98 victory kontra Atlanta Hawks.
Nagpasabog si Clarkson ng 30 upang pangunahan ang Jazz na naglarong wala ang kanilang key player na si Donovan Mitchell (sprained right ankle).
“Everybody just coming up to me and saying, ‘J.C., keep shooting, keep shooting. It’s gonna happen,'” sabi ng Filipino-American at last season’s Sixth Man of the Year na si Clarkson.
“That’s why I love this team. I love my teammates, I love the coaching staff, I love this organization. They believe in me and believe in what I can do. It’s beautiful.”
Nangunguna ngayon ang Utah (8-1) sa Western team standings, kasunod ang Golden State Warriors (7-1).
Naging mahigpit ang laban ng Jazz at Hawks sa first three quarters na nagtapos sa 75-74. Ngunit pagdating ng huling yugto ay umalagwa na ang Utah nang magpaulan ng walong 3-pointers at ipasok ang 13 sa final 22 shots.
Nagsumite si Trae Young ng 21 points para sa Hawks, na 42.7% from the field lang at 7 of 28 sa 3-pointers at naputol ang four games win streak sa State Farm Arena ngayong season.
147 