9 CENTENARIANS TUMANGGAP NG P50K SA VALENZUELA

SIYAM na centenarians na kinatawan ng kanilang mga kaanak, ang tumanggap ng cash incentive mula sa Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela.

Mula pa noong 2016 ay namimigay na ng insentibo ang pamahalaang lungsod sa mga centenarian na mga residente sa bisa ng Ordinance No. 300 o ang “Centenarian Ordinance of Valenzuela City”. Mula P 20,000 bawat isa, itinaas ng lungsod ang insentibo sa P50,000 noong nakaraang taon alinsunod sa pag-amyenda sa Ordinance No. 300 ng Ordinance No. 652.

Ang nasabing cash incentive ay iba sa insentibong nakukuha ng mga centenarian mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan tatanggap din sila ng P100,000 bawat isa batay sa Centenarians Act of 2016.

Bukod sa P 50,000 cash incentive, ang mga centenarian ng Valenzuela ay binigyan din ng food packs at bitamina mula sa Alliance of Senior Citizens ng Valenzuela City.

Sa siyam na centenarians, dalawa ang pumanaw na ngayong taon ngunit binigyan pa rin ng cash incentive dahil kwalipikado pa rin sila.  Batay sa tala ng lungsod, mayroon pitong buhay na centenarians – tig-iisa sa Barangay Coloong, Wawang Pulo, Mapulang Lupa, Malinta, at Ugong, at dalawa sa Barangay Karuhatan.

Para sa mga kwalipikadong centenarian na hindi pa nakukuha ang kanilang insentibo, ang Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ng lungsod ay nagbibigay ng mga panuntunan para kilalanin ang centenarian para sa insentibo kasunod ng wastong dokumentasyon, identification at pagpapasa ng mga tunay na dokumento.

Dapat na nakarehistro sa OSCA ang senior citizen, residente ng Valenzuela City na pinatunayan ng barangay captain, naninirahan sa lungsod nang hindi kukulangin sa dalawang taon, at dapat na buhay sa pagsapit sa edad na 100 at dapat na ito ay rehistrado rin sa OSCA.

Para makamit ang cash incentive, ang centenarian ay dapat magpasa ng awtentikong Philippine Statistics Authority copy ng Certificate of Live Birth o mula sa Local Civil Registrar, OSCA identification card, o ano mang valid government-issued ID kung saan nakasaad ang kanyang edad at tirahan. (ALAIN AJERO)

210

Related posts

Leave a Comment