TROPANG KOTONG TIMBOG

HINDI na nagawa pang makapiglas ang dalawang kawani ng Bureau of Customs (BOC) nang dakpin ng mga operatiba sa aktong pagtanggap ng salaping katumbas ng hinihinging areglo mula sa isang negosyanteng kinikikilan kapalit ng mabilis na proseso sa releasing ng mga kargamentong inangkat mula sa ibang bansa.

Sa pinagsanib na entrapment operation na ikinasa ng BOC at National Bureau of Investigation (NBI) sa Harbor View Restaurant sa lungsod ng Maynila, arestado sina BOC appraiser Zosimo Bello at examiner na si Bong Seletaria na kapwa inireklamo ng isang importer ng mga makinaryang gamit sa agrikultura.

Narekober din mula sa mga arestadong suspek ang markadong salaping ginamit sa nasabing operasyon.

Batay sa inihaing reklamo, bukod sa areglong katumbas ng kanilang lagda sa mga dokumento, hinihingan pa umano ng buwanang tara ang negosyanteng dumulog sa panggigipit ng mga nasabing kawani ng BOC.

Giit ng biktima, legal lahat ng kanilang isinasagawang pag-angkat ng mga makinar­yang gamit sa agrikultura, kay­a naman laking gulat nilang bigla umanong inipit ang kanilang kargamento.
Sa isang pahayag ng BOC, lumalabas na may una na palang reklamong inihain sa kanilang tanggapan laban kina Bello at Seletaria kaugnay ng parehong modus. Kabilang din ang pangalan ng dalawang suspek sa iniimbestigahan na ng nasabing kawanihan.

“Ang ginagawa nitong mga officials allegedly hindi hino-honor yung document at instead i-facilitate ng mabilis hinaharang so alam na natin yun na ang modus neto ay para maabala, mag-give in sa request nila na financial consideration” ani Atty. Jun Donggallo, regional director ng NBI special projects team.

Todo tanggi naman ang mga arestadong suspek sa mga paratang. Anila, sila ang nilapitan ng complainant na umano’y nagpapatulong lamang mapababa ang buwis na babayaran para sa kanyang mga kargamento.

 

192

Related posts

Leave a Comment