War vs communist terrorist group 2 PATAY SA ARMY, MOST WANTED LAGLAG SA PNP-PRO5

DALAWANG hinihinalang miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) ang napatay ng mga tauhan ng Philippine Army sa umano’y engkwentro sa Bayugan City, Agusan del Sur.

Sa ulat ni Army commanding officer, Lieutenant General Andres Centino, patay sa sagupaan sina alyas Ka Joseph at Ka Aykay na miyembro umano ng NPA sa nasabing lugar.

Gayunpaman, bigo ang mga sundalo na madakip ang target ng nasabing operasyon na sina Edilberto Dabal alyas “Bong/ Waco” na tumatayong pinuno ng Regional Operations Command ng NPA, at isang Judel Vertudazo alyas “Janjalani” na siyang humahawak sa Regional Sentro de Grabidad (RSDG) na bahagi naman ng Northeastern Regional Committee (NEMRC).

Bandang alas-12:30 ng tanghali nang masabat umano ng militar ang hindi bababa sa 40 miyembro ng NPA sa Barangay Villa Undayon ng nasabing bayan. Tumagal umano ng 45 minuto ang sagupaan bago nagpasyang tumakas ang mga rebelde.

Samantala, nadakip ng mga tauhan ni PNP-PRO 5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang notoryus na kasapi ng communist terrorist group na may dalawang kaso ng murder at multiple attempted murder sa lalawigan ng Masbate.

Kinilala ni ni P/BGen. Estomo ang arestadong miyembro ng CPP-NPA na si Nonilon Bartolay Asne alyas “Wango”, 57, ng Brgy. MacArthur, Monreal, Masbate.

Si Asne ay isang hardcore member ng CTG’s/CNN, Milisyang Bayan

(MB) sa ilalim ng pamumuno ni Commander Ka Kiko Eleazar Ontog alyas “Ka Randy”, TL, SQUAD 2, PLTN 2, ng Larangan 1, Kilusang Partido 4, BRPC. (JESSE KABEL)

223

Related posts

Leave a Comment