HANDA na ang PBA na simulan ang Second Conference ng ika- 46 season ng liga sa huling linggo ng Nobyembre. Handa na rin ang kauna-unahang liga propesyonal sa bansa at Asya na muling tanggapin ang fans sa mismong venue.
Isang conference lamang (Philippine Cup) ang naidaos sa Clark bubble noong nakaraang taon sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. At bagama’t mas maluwag kumpara noong 45th season ang 2021 All-Filipino sa Bacolor, Pampanga pa rin, bawal pa rin ang live audience.
Ngunit ngayong nasa Alert Level 2 na ang Metro Manila, tuloy na import-laden Reinforced Conference na sisimulan sa Nobyembre 28 (Linggo). Gayunpaman, tinitimbang pa ng liga kung sa Ynares Sports Center sa Pasig City o sa Antipolo City ito gagawin.
Umaasa si PBA Commissioner Willie Marcial at Board of Governors sa pangunguna ni Ricky Vargas, aaprubahan ng IATF ang kanilang kahilingan na mabuksan sa publiko ang 2nd Conference.
“We’re back and we hope to come back stronger in the Second Conference. We started from zero, then we’re able to hold one conference, and we’re looking at a Second Conference this season hopefully with the fans inside the playing venue,” pahayag ni Board Chair Vargas.
Nangako naman si league Commissioner Marcial, sisikapin nila na mabigyan ng kasiyahan ang fans lalo ngayong Christmas season. “Pasasayahin natin ang crowd, ang PBA fans. Meron na tayong pinag-iisipang mga promos, including free tickets sa venue.”
Ngunit pahabol niya: “Idudulog natin lahat sa IATF. We’ll coordinate with them everything. Malamang n’yan kung ano ang pinayagan nila sa movie houses, yun din ang ibibigay sa atin. And we’re ready to follow.”
Ayon pa kay Marcial, sa tagal na hindi malayang makalabas ng kanilang tahanan ang mga tao dahil sa pandemic, hindi kataka-taka na hinahanap-hanap nila ang mga dating nakagawian gaya ng panonood ng live PBA games.
“Ginagawa naman natin ito para ipakita sa lahat na tayong mga Pilipino ay may kakayahan to move on even in the midst of all the problems confronting us,” susog ni Vargas. “The Second Conference, it’s going to be a conference with imports, and we’re looking forward to having our fans back. It’s been two years. We’re looking forward to having them again as part of our tournament.”
Pinasalamatan din nina Marcial at Vargas ang lahat ng mga sumuporta sa liga noong nakaraang taon sa Clark at sa simula ng 2021 season sa Bacolor.
“The success of our hosting games is based on cooperation with the government. The Department of Health, the national government and the local government allowed us to do it. Napaka-important ng cooperation,” ayon sa PBA chief.
Samantala, mas mauuna sa Second Conference ang kauna-unahang PBA 3×3, na aaksyon na sa Nob. 20.
181 