PHILIPPINE passport na lang ang kailangan ng mga Filipino-foreign players para maging eligible sumali sa annual draft at tuluyang makapaglaro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ang ibinalita ni league chairman Ricky Vargas kahapon sa PSA online Forum, kung saan sinabi niyang aprubado na sa board ang nasabing usapin sa Fil-foreign players.
Kung maaalala, maliban sa Philippine passport, ang Fil-foreign players ay kinakailangang magsumite ng certification mula sa Bureau of Immigration at affirmation buhat sa Department of Justice.
Pero, hindi na ngayon. Mas pinagaan na ng liga ang requirement para sa mga manlalarong nais tumuntong sa first Asia’s only play-for-pay league.
“We will basically look at Fil-foreigners less stringently now,” wika ni Vargas, na siya ring TnT governor. “As long as they have Filipino blood and they can get their passport, they are able to come and play for us, we will look at them with less rules to disqualify them.”
Sa mga nakalipas na draft ng liga, ilang Fil-foreign players ang idineklarang ‘ineligible’ nang mabigong makakuha ng BI at DOJ documents.
“That way, we will make the PBA exciting and we will bring the world to the PBA. Parang NBA,” lahad pa ni Vargas. “But at the same time, trying to also balance it so that we will be able to give jobs to our players na nandito. We are looking forward to that in the next draft.”
Kaugnay naman nang pagbubukas ng second conference, sinabi ni Commissioner Willie Marcial, makikipag-pulong siya sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa pagbabalik ng fans sa venue.
“Hihingi ako ng dulog sa ating IATF kung puwede na ang fans. Makikipag-usap ako kung ilang percentage ang puwede, kung paano ang seating arrangement, kung ano ang protocols and safety measures na kailangan natin,”sambit ni Marcial sa Forum na presented ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Daily Tribune, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ito rin ang nais ni Vargas, lalo na’t magpapasko.
“It’s a joyous occasion to see the fans back,” dagdag ni Vargas.
“We’re excited about the second conference. It’s going to be a conference with imports, and we’re looking forward to having our fans back. Yan ang pangarap namin. It’s been two years. We’re looking forward to having them again as part of our tournaments.”
Pansamantalang nakatakda ang second conference ng PBA sa Nobyembre 28, dahil depende pa ito sa pagdating ng 12 imports.
Habang ang inaugural PBA 3×3 tournament ay sigurado nang magsisimula sa Nobyembre 20 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
199 