EJ OBIENA SASABAK SA PH ATHLETICS OPEN

UUWI ng Pilipinas ang unang 2020 Tokyo Olympics qualifier, si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena.

Kaugnay nito, sasabak siya sa inorganisang torneo ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), ang 2021 Ayala Philippine Athletics Championships na nakatakda sa Disyembre 9-10 sa Philsports Track Oval sa Ultra, Pasig City.

Nauna nang ­ipinahayag ni Obiena ang pagnanais na makasali sa annual competition, na dalawang taong nakansela dahil sa COVID-19 pandemic.

Patuloy ang pagsasanay ng Pinoy Olympian sa pamamagitan ng pagsali sa iba’t ibang torneo bilang paghahanda sa 2024 Paris Olympics.

Matatandaan na ­na­bi­gong manalo ng medalya si Obiena sa nakalipas na Tokyo Games at tumapos lang sa pang-11 puwesto.

Kaya ganon na lang ang pagsusumikap niya upang mapagbuti ang laro.

Katunayan, ilang beses niyang binura ang Philippine pole vault record sa outdoor at indoor. Sa kasalukuyan, si ­Obiena rin ang Asian record holder sa outdoor (5.93m) at indoor (5.86m).
Samantala, target ng PATAFA sa Athletics Open na makadiskubre ng mga bagong atleta na maaaring makasama sa delegasyon ng bansa sa darating na Southeast Asian Games sa Vietnam at Asian Games sa Hangzhou, China.

217

Related posts

Leave a Comment