KOREANONG DISTRIBUTOR NG PORNO, HULI SA CEBU

ARESTADO sa mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang high-profile South Korean fugitive na wanted sa kanyang bansa dahil sa pagpapakalat ng pornography.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang Koreanong si Jung Yonggu, 38-anyos, naaresto noong Nobyembre 1, 2021 sa Cebu City.

Si Jung ay inaresto sa bisa ng Warrant of Deportation na inisyu noong Oktubre dahil sa pagiging undocumented alien at banta sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

“The office received information of his crimes from South Korean authorities,” pahayag ni Morente. “Upon receipt of the information, we immediately filed a charge against him and conducted an investigation to locate and arrest him,” dagdag ni Morente.

Ibinahagi naman ni BI Fugitive Search Unit Chief Rendel Sy na si Jung ay may outstanding warrant of arrest na inisyu ng Seoul Central District Court noong Nobyembre 2018 dahil sa pagpo-promote at papakalat ng pornography at iba pang may kaugnayan sa krimen sa ilalim ng Criminal Code of the Republic of Korea.

Lumipad siya patungo sa Pilipinas noong Hulyo 2018 makaraang takasan ang kanyang kaso.

Ayon sa ulat, ang passport ng Koreano ay kinansela na ng Korean government kaya ikinonsidera na ang suspek bilang undocumented alien.

Si Jung ay responsable umano sa pagpapakalat ng mahigit sa 7,400 obscene videos via internet na ipinapasa sa websites at maaaring ma-access ng online users.

Ang suspek ay pansamantalang nakakulong sa BI’s facility sa Bicutan, Taguig City habang nakabinbin ang implementasyon ng deportasyon nito. (JOEL O. AMONGO)

281

Related posts

Leave a Comment