LUCENA CITY – Nawawala ang P1.3 milyong halaga ng angle bars na gagamitin sa rehabilitasyon ng riles ng PNR at umano ay ninakaw sa stockroom ng PNR station sa lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, ini-report noong Huwebes ng gabi ng Railway Police Officer na si Romero Vargas Borja Jr. ang pagkawala ng 1,015 piraso ng mga angle bar na nakatago sa DOTC Telecommunication Office na ginawang stock room ng PNR station.
Subalit lumalabas sa pagsisiyasat ng Lucena PNP na walang indikasyon na ninakaw ang mga bakal at posible umanong inside job ang nangyari o kaya ay sadyang minali ang accounting.
Ayon sa inventory na inilabas ng OIC Division Manager ng Lucena PNR Engineering Department na si Russel Pagkaliwanagan, ang nawawalang mga bakal ay nagkakahalaga ng P1,353,329.95.
Sinusuri pa ng mga awtoridad ang mga dokumentong isinumete ni Pagkaliwanagan at iniimbestigahan kung totoo ang sinasabi nito na ninakaw ang mga bakal. (NILOU DEL CARMEN)
231 