CAVITE – Makalipas ang tatlong araw ng pagtugis ng pulisya sa pangunahing suspek sa likod ng pamamaslang sa isang kandidato sa pagka-vice-mayor ng bayan ng Maragondon sa lalawigang ito, kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad ang suspek sa malagim na insidente sa General Trias City.
Ayon sa ulat ni Corporal Jhocel Dayumat ng Gen. Trias City Police, dakong alas-7:20 kahapon ng umaga nang sumuko ang suspek na si Robert Amoranto, kasama ang kanyang asawa at iba pang miyembro ng pamilya.
Giit ni Amoranto, hindi siya pinatulog ng kanyang konsensya matapos niyang mapatay ang 54-anyos na si dating Maragondon Vice-Mayor Nolito Magallanes nito lamang nakalipas na Martes ng gabi makaraan ang isang mainit na pagtatalo tungkol sa ipinaradang sasakyan ng biktima sa basketball court ng residential subdivision kung saan sila kapwa nakatira.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag si Congressman Luis “Jon Jon” Ferrer IV ng General Trias City, mula sa kamag-anak ng suspek hinggil sa pagsuko nito.
Pormal na humarap ang suspek kay acting Cavite Provincial Police chief, Colonel Arnold Abad. Agad namang inilipat sa kustodiya ni Colonel Norman Rañon na tumatayong hepe ng General Trias PNP, ang suspek.
Si Magallanes ay nanilbihang vice mayor ng Maragondon at muling kumandidato para sa parehong posisyon ng nasabi ring bayan para sa 2022 local election. (SIGFRED ADSUARA)
147 