NAGPAHATID ng kanilang pagbati kay Philippine National Police chief, Police General Dionardo Bernardo Carlos ang buong puwersa ng PNP-Police Regional Office 5, sa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, sa bagong promote na hepe pambansang pulisya, na isa nang ganap na 4-star general at pinakamataas na opisyal ng pulisya sa bansa.
Kasabay nito ang pagpapahayag ng kanilang buong suporta sa lahat ng programang isusulong ni Gen. Carlos partikular ang pagtiyak na
magkakaroon ng clean, honest, and orderly May 2022 national and local elections.
Ang karagdagang bituin na matatag na nakapatong sa mga balikat ni P/Gen. Carlos ay nagpapakita ng mga dekada nang disiplina at propesyonal na serbisyo kaya naging kwalipikado siya bilang kasalukuyang hepe ng PNP.
Habang inilalahad ng PNP ang bagong kabanata ng pamumuno, tinitiyak ng PRO5 na ipagpapatuloy ang pagsisikap nitong palakasin ang mga kampanya laban sa kriminalidad na naka-angkla sa Internal Cleanliness Policy (ICP). Ang PRO5 ay magsisikap na mapanatili ang mga programa ng organisasyon patungo sa tunay na pagbabago sa hanay ng PNP at komunidad.
Ang PRO5 ay kaisa rin sa layunin ni P/Gen. Carlos na maipatupad nang mapayapa at maayos ang halalan sa 2022 sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga operasyon para lansagin ang private armed groups (PAGs) at iba pang gun-for-hire na grupo na maaaring gawing goons ng ilang mga politiko.
Ang PRO5, sa patnubay ng bagong CPNP, ay nangakong ipagpapatuloy ang momentum sa pag-angat ng serbisyo ng pulisya sa mas mataas na antas nang pagganap upang maibalik ang tiwala ng mga tao sa organisasyon. (JESSE KABEL)
185 