SA kanyang pagkadismaya kaugnay ng mga kaganapan sa pulitika, muling bumula ang bibig ng Pangulo kasabay ng patutsada laban sa isa raw kandidato sa nalalapit na 2022 presidential elections.
Aniya, may isang kandidatong gumagamit ng droga. Ang siste, hindi naman niya pinangalanan bunsod marahil batid niyang wala naman siyang hawak na ebidensiya.
Ang tinuran ng Pangulong galit umano sa droga, sukdulang bumalandra. Bakit nga naman hindi niya ito ipinaaresto noon pa kung totoo ang kanyang paratang. Hindi nga ba’t makailang ulit niyang inamin ang paggamit ng “fentanyl,” isang drogang kawangis ng morpina?
Kung tunay siyang galit sa droga, bakit siya gumagamit ng fentanyl gayong batid naman niya bilang isang abogado na ito’y ipinagbabawal na droga?
Kung tunay siyang galit sa droga, sino na ang mga taong nakapaligid sa kanya?
Ang totoo, galit siya sa droga kung ang sangkot ay mga maralita.
Pero teka, hindi nga ba’t ang kanyang kampanya kontra-droga ang mismong dahilan kung bakit hanggang ngayon sumasakit ang ulo niya?
Dangan naman kasi, siya ay nademanda sa kanyang madugong kampanya kontra-droga.
Tama lamang na tiyaking walang bahid ng droga ang mga lalahok sa halalan lalo pa’t nakasalalay sa mga susunod na lider ng bansa ang kapakanan ng mamamayan.
Ang mali ay magparatang nang walang ano mang pinanghahawakan.
Kung tutuusin isang paninira sa ngalan ng pulitika ang ipinahayag ng Pangulo, bagay na kalakaran sa tuwing sasapit ang halalan.
Sa gitna ng usaping droga kaugnay ng halalan at pulitika, higit na marapat na pangunahan niya ang pagsalang sa isang drug test kasabay ng iba pang kandidato para mabatid na ng publiko kung sino talaga ang tinutukoy niya.
Ang tanong, papayag ba siyang sumailalim sa drug test?
441 