BBM-SARA TAMBALANG SAKALAM

SA kabila ng kaliwa’t kanang demolition job at mga inihaing disqualification case laban sa Presidential aspirant na si Bongbong Marcos ay nananatili pa rin itong kalmado at patuloy ang pagsuporta rito ng mas maraming mamamayang Pilipino.

Marahil ay isa ito sa dirty tactics ng mga kalaban sa pulitika kumbaga sa puno ng mangga na pasibol pa lamang at maraming bulaklak ay pilit itong inuuga upang hindi umusbong.

Sa tingin ng ating mga kababayan ay tama lamang ang naging desisyon ng Presidential daughter Sara Duterte Carpio na tumakbo bilang Bise Presidente ni BBM kahit na mas malakas ang kanilang makinarya at pondo para sa 2022 national elections.

Hindi na rin lingid kay Sara na maaaring ikatalo nito kung siya ay tumakbo bilang Presidente dahil sa ilang kapalpakan ng gobyerno na tugunan ang pandemya sa bansa gayundin ang ­maanomalyang Pharmally sa overpriced umanong face shields.

Sa pagtakbo ni Senator Bong Go ay todo-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit ang inilabas na blind item ng Pangulo laban sa isang anak mayamang Presidential aspirant na gumagamit umano ng cocaine ay isa lamang malisyosong paratang na natural lamang sa panahon ng eleksyon.

Pilit na ibinabato kay BBM ang hindi umano magandang nagawa ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na mahigit 20 taon nagsilbi sa ating bansa.

Lingid sa kaalaman ng lahat na noong panahon ng Martial Law ay mas maraming nagawang mabuti si Marcos, isa na rito ay ang iniutos na kaparusahang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad laban sa mayamang Chinese drug lord na si Lim Seng noong January 15, 1973 sa Fort Bonifacio upang hindi na kumalat pa ang droga at makasira ng kinabukasan ng mga kabataan. Maging ang maraming naging proyekto ni Marcos na hanggang ngayon ay pinakikinabangan natin.

Sabihin na nating ­ma­raming naging paglabag sa human rights ang kapulisan at sundalo noong araw pero ito ay dahil pinasok na halos ang Kamaynilaan noon ng mga makakaliwang grupo na ­naghahasik ng kaguluhan.

Kaya’t panawagan ngayon ng ating mga kababayan na magkaroon ng malinis na halalan at igalang ang napupusuan ng bawat Pilipino na ihahalal na susunod na Pangulo ng bansa.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

154

Related posts

Leave a Comment