Manatili kayang Pilipino si pool shark Carlo Biado?

ISANG mambabatas sa katauhan ni Sen. ­Francis Tolentino ang kamakailan ay nagpahayag ng pagkabahala sa aniya’y tila nauusong pagkatawan ng ilang magagaling na atletang Pilipino sa mga dayuhang bansa dahil sa umano’y kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan.

Sa isang plenary session ng Kongreso sa mungkahing P375 million budget ng Philippine Sports Commission, binanggit ng mambabatas mula Cavite ang napapanahong pagkakaroon ng programa para maiwasan ang aniya’y lumalawak na pangangalap ng lokal na talento kasunod ng mga nakaraang pagtalikod sa bansa ni Fil-Japanese golfer Yuka Saso at chess player Wesley So.

“Paano natin matitigil ito? Is there a program reflective in the budget of PSC to prevent ­poaching? Is there a Balik Pilipinong Atleta Program?” sunod-sunod na tanong ng Senador sa mga opisyal ng PSC na dumalo sa plenary.

Si Saso ay anak ng inang Pilipina at amang Hapones na gumawa ng kasaysayan makaraang magkampeon sa 2021 U.S. Open Golf Championship bago katawanin ng Pilipinas sa nakaraang 2020 Games of the Olympics na ginanap sa Tokyo nitong taong ito.

Sa kasamaang palad si Saso na sa kasalukuyan ay may pang-anim na ranggo sa mundo ay nagpahayag noong nakaraang buwan na pinili niyang yakapin na maging mamamayan ng Japan at makilala bilang kinatawan ng kanyang bansa sa mga susunod pang kompetisyong kanyang lalahukan.

Ayon sa batas na umiiral sa ilalim ng Japanese nationality law, ang isang dual citizen tulad ni Saso ay obligadong pumili ng kanyang nasyonalidad pagtuntong sa edad na 22.

Sa kabilang dako, si So na tubong Bacoor City, Cavite at naging pinakabatang chess Grandmaster noong 2008 sa edad na 14 ay naging American citizen noong 2021 at dinala ang bandila ng U.S. sa lahat ng mga pandaigdig na paligsahan.

Ito ay matapos niyang iwanan ang pambansang chess federation at magpa-ampon sa U.S. Chess Federation makaraang ipagkait sa kanya ng PSC ang lahat ng insentibong pinansiyal at iba pang benepisyong itinatadhana sa RA 10699, ang batas na nagbibigay sa bawat atletang Pilipino ng P1 milyon kapag nanalo ng gold medal sa prestihiyosong kompetisyong pandaigdig gaya ng Olympic Games.

Babala ni Sen. Francis, “these poaching practices by other rich countries of Filipino athletes can happen again, brought about by the limited incentives being given by the PSC to our athletes.” Nabanggit pa niya ang ilang kaso ng mga manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) at ilang miyembro ng pambansang koponan na ­kasalukuyang naglalaro na sa professional leagues tulad sa Japan.

Mungkahi niya, dapat manguna ang PSC para mahinto ang ganitong paglabas ng magagaling na atleta na kalaunan ay maaaring humadlang sa layunin ng Pilipinas na mapanatili ang matagumpay na kampanya sa nakaraang Tokyo Olympics kung saan nakuha natin ang kauna-unahang gintong medalya sa pamamagitan ni weightlifter Hidilyn Diaz, bukod pa sa dalawang pilak at isang tanso mula sa mga boksingerong sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial.

Gaya ni So, dala rin ng kawalan ng suporta at torneo para mapakain ang pamilya ay napilitan ang ating pinakabagong hari ng bilyar na si Carlo Biado, sa udyok mismo ng kanyang kabiyak na si Niecky, na magtungo sa Amerika para doon makipagsapalaran. Wala pang isang taon, ang 38-anyos na Pinoy pool shark ay isa nang kampeon ng U.S. Open Pool Championship.

“There are no tournaments, no money games back in the Philippines due to the [COVID-19] pandemic,” pagtatapat ni Biado, na iniidolo si Efren “Bata” Reyes. “I really didn’t want to go to the US, but my wife was persistent. Eventually, I followed her advice and proved that she’s really my lucky charm.”

Si Niecky rin ang lumabas na coach niya sa kabuuan ng torneo, kabilang ang pakikipagharap niya sa finals laban kay Singaporean counterpart Aloysius Yapp na lumamang sa kanya, 8-3, tungo sa ika-12 yugtong pagtutuos na idinaos sa Harrah’s Resort sa Atlantic City, New Jersey. Na-straight ni Biado ang huling 10 racks para tapusin si Yapp at ibulsa ang champion’s purse na $50,000 at ang Barry Behrman trophy.

Hindi tinutuldukan ni Biado ang usapin kung tutularan niya ang ginawa ng ibang kapwa atletang Pinoy, ngunit iginiit niyang “hanggang may laban ay magpapatuloy ako at dadalhin ang ating bandila saan man ako pumunta.”

205

Related posts

Leave a Comment