MISTULANG aso itong si dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na patuloy na kinakahol ang e-sabong o online sabong. Kumbaga, ayaw niya yata itong tantanan.
Marami nga ang nagtataka kung bakit parang napakatindi raw ng galit ni Cayetano sa e-sabong. Para bang walang pakinabang dito ang mamamayan at bayan.
Binigyan-diin kasi ni Cayetano ang kahalagahan na mabusisi nang mabuti ang panukala na bigyan ng prangkisa ang e-sabong operators.
Sinuspinde kasi ng Senate Committee on Public Service na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, ang pagtalakay ng panukala.
Balak daw na bigyan ng 25-taon ang operators ng online sabong.
Pabor naman daw kasi si Poe na masuri, hindi lamang ang magiging operasyon ng e-sabong kundi maging ang epekto nito sa lipunan.
Tatalakayin din daw ang paghingi ng prangkisa ng Lucky 8 Star Quest, Inc. na inaprubahan ng Kamara noon pang Setyembre ngayong taon.
Ayaw ng ganito ni Cayetano. Nakapagtatakang dito na lang sila nakatutok. Hindi na nabibigyang-pansin ang COVID response ng pamahalaan.
Puro pamumulitika raw ang iniisip nitong si Cayetano. Tinututulan ni Cayetano ang pagbibigay ng prangkisa sa e-sabong dahil mas malaki raw ang negatibong epekto nito sa bansa kumpara sa kikitain dito ng gobyerno. Nakakaadik daw ito.
Binanggit nila na may isang bata na naaresto sa Maco, Davao de Oro dahil sa hindi nabayarang utang dulot ng e-sabong.
Nagpakamatay rin daw ang pamangkin ni dating Candaba, Pampanga Mayor Jerry Pelayo dahil sa pagkalulong sa sugal?
Well, kumpirmado bang ganoon talaga ang nangyari? At sapat bang ipagbawal ang e-sabong kahit na nakikinabang naman dito ang gobyerno dahil sa buwis at nakapagbibigay rin ito ng oportunidad sa trabaho sa maraming Pinoy?
