GOOD MOVE

GOOD move ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na umatras sa senatorial race dahil dalawang bagay ang naiwasan nito kung sakaling itinuloy niya ang pagtakbo.

Una, kapag nanalo siya, hindi ubra ang pagiging dating presidente niya sa 23 other Republic. 24 Republic ang tawag sa 24 Senador at kahit meron siyang kakampi na sina Sens. Bong Go at Bato dela Rosa, hindi pa rin sapat ang kanilang puwersa.

Hindi puwedeng hindi siya dadalo sa kanilang session lalo na kung bumalik na ang old normal dahil mapupuna at mapupuna siya kapag lagi siyang absent sa trabaho.

Siguradong magkakaroon siya ng committee chairmanship at kailangang mamuno siya sa public hearing sa mga panukalang batas na ibabato o ­sakop ng kanilang hahawakang komite… hindi puwedeng hindi niya gawin ‘yun kundi wala siyang maipapasang batas.

Pagdating sa debate, kailangan maging compose siya. Hindi puwede ang mainit ang ulo at mas lalong hindi puwede ang magmura dahil istrike out ang mga hindi magandang salita sa record ng Senado.

Tiyak na tututukan siya ng media at netizen dahil digital na ang session at kahit sino puwedeng manood at puwedeng bigyan siya ng kortesiya ng kanyang mga kasamahan sa Senado bilang dating ­Pangulo pero hindi sa lahat ng pagkakataon sa loob ng anim na taong termino nito.

Malabo rin siyang ­maging Senate President kung sakali lalo na kung hindi niya kakampi ang pangulo o kahit kakampi niya ang nakaupong presidente, ang natitirang 23 Republic pa rin ang magpapasya kung sino ang nais nilang maging lider nila.

Pangalawa: Kapag itinuloy ni Digong ang pagtakbo at hindi siya mananalo, ­malaking sampal ‘yun sa kanyang mukha. Sasabihin ng mga tao, isinuka siya ng Pinoy kaya hindi nanalo.

Aminin man nila o hindi, sumablay si Digong sa kanyang kampanya laban sa katiwalian, ilegal na droga at trapik sa Metro Manila na kanyang ipinangakong tatapusin sa unang tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang panunungkulan.

Tiyak rin na hindi siya iboboto ng mga uring manggagawa dahil hindi niya tinupad ang kanyang pangako na ire-regular sila sa trabaho sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan kaya dehado siya sa Senado.

148

Related posts

Leave a Comment