SINO ANG MAY SALA?

HINDI ko masisisi ang mga tao na sinamantala ang pagluluwag ng health protocols nitong holiday season dahil noong 2020 ay nakulong tayong lahat sa ating mga bahay dahil sa COVID-19 na hindi pinigilan ng China kaya kumalat sa buong mundo.

Parang nakawala sa kulungan ang mga tao at ginawa lahat ng mga bagay na hindi nila nagawa sa holiday season noong 2020, tulad ng pagpunta sa mga mall, night market at mga pasyalan.

Kaliwa’t kanan ang mga party, family reunion… mga bagay na hindi nila nagawa noong 2020. Para bang nasabik sila, bagay na hindi mo maiwasan dahil maluwag na rin naman.

Bunsod ng kasabikan, nakalimutan ang health protocols dahil hindi nasunod ang social distancing at ‘yung iba naman ay may suot na face mask pero nasa kanilang baba at higit sa lahat, nawala sa isip nila na meron pang COVID-19.

Sa mga probinsya, bihira na ang nagsusuot ng face mask. Bakit? Dahil dagdag-gastos lang ‘yun sa kanila. Kung ‘yung mga matatanda walang face mask, asahan mo na magsusuot ng face mask ang kanilang anak? Hindi.

Saka lang sila nagsusuot ng face mask kapag namalengke sila o nasa malls sila pero paglabas at lalo na sa mga bahay at komunidad, wala na silang suot na proteksyon. ‘Yan ang tunay na sitwasyon.

Ang gobyerno naman, medyo nagpabaya kaya nagsasamantala naman ang mga tao. Hindi nila ipinatupad ang health protocols. Naglaho ang mga nag-iimplementa ng polisiya.

May mga night market sa Metro Manila ang gumawa ng gimik… nagpa-year-end sale kaya dinagsa ng mga tao kaya halos magpalitan ng mukha ang mga mamimili pero parang walang otoridad na nagpatupad ng social distancing.

Sabagay, hindi mo na makokontrol ang mga tao kapag nagdagsaan na at tulad ng sabi ko nga, parang nakawala sa kulungan ang mga kababayan natin kaya malamang nahihirapan ang mga otoridad na ipatupad ang health protocols.

Ngayon, nagkakasisihan na naman. Sasabihin ng ­gobyerno, ang titigas kasi ng ulo ng mga tao. Mga pasaway ang mga tao.

Sasagutin naman ng mga tao na kasalanan ng ­gobyerno dahil nagpabaya sila sa kanilang tungkulin eh alam naman nila na hindi pa tapos ang pandemya na nagsimula sa Wuhan, China.

Pero wala akong sisisihin sa dalawang panig. Hindi ko masisisi ang mga tao at hindi ko rin puwedeng sisihin ang gobyerno. Lahat kasi tayo ay may responsibilidad sa ating sarili, kapwa at bansa.

226

Related posts

Leave a Comment