BATANGAS – Tinangay ng hindi kilalang mga hijacker ang isang tanker truck habang nakaparada sa isang gasoline station sa Batangas City at nang matunton noong Bagong Taon ay nawawala na ang P900,000 halaga ng karga nitong petrolyo.
Batay sa report ng Batangas City police, ipinarada ng driver ng Isuzu Lorry Tanker truck na si Francis Epis, ang sasakyan sa parking lot ng Maxifuel Gasoline Station sa Diversion Road, Brgy. Bolbok, Batangas City noong Disyembre 31 ng hapon.
Kargado ito ng 20,000 litro ng petrolyo na isusuplay sa nasabing gasolinahan.
Ngunit kinagabihan, nadiskubre ng gasoline boy na si Erwin De Guzman na nawawala sa lugar ang truck at hinihinalang tinangay ng hindi kilalang mga suspek.
Natunton ito sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) na inabandona sa bisinidad ng Batangas City subalit nadiskubreng nawawala na ng karga nitong gasolina at krudo.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari at inaalam kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
594