TALIWAS sa karaniwang bruskong pinuno ang himig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagang inilabas para sa mga komunistang rebelde. Ang dati-rating pagbabanta, isa na ngayong paanyaya.
Sa kanyang mensahe, hinimok ng Pangulo ang mga rebelde para makilahok na lamang sa isinasagawang pagtulong ng gobyerno sa mga nasalanta at apektado ng pandemya kapalit ng sahod katumbas ng sweldo ng karaniwang empleyado ng pamahalaan.
Sa pambihirang pagkakataon, tama ang Pangulo. Sa halip na manggulo, magkaisa muna tayo – kahit pansamantala lang, nang sa gayon malampasan muna natin ang dagok na dinaranas ng bawat Pilipino.
Ayon sa Pangulo, bukas ang gobyerno sa sino mang komunistang nais tumulong sa gitna ng kawalan – magpasabi lang at agad niyang aaprubahan. Higit pa sa pasabi ang paanyaya ni Duterte sa mga komunista para sa pagbisita sa kanyang tanggapan sa Palasyo.
Gayunpaman, may agam-agam sa sinseridad ng Pangulo, bagay na agad niyang pinawi nang sabihin niyang pwede naman bumalik sa kabundukan para balikan ang ipinaglalaban pagkatapos matugunan ang pangangailangan ng mga tao.
Garantiya ng Pangulo,
Kung pagbabatayan ang mga pinangangalandakan ng magkabilang kampo, kapwa nila nais na isulong ang karapatan at ikabubuti ng bawat Pilipino.
‘Yan mismo ang dapat nilang patunayan. Ang sinseridad higit sa lahat. Ano mang hidwaan mayroon ang magkabilang panig, pwede naman sigurong isantabi muna.
Ang totoo, mahirap paniwalaan ang Pangulo dahil sa kanyang imaheng inukit sa ilalim ng kanyang administrasyon. Gayunpaman, dapat pa rin namang bigyan ng pagkakataon ang pagkakaisang tanging pag-asa para ang bayan ko’y pumayapa man lang kahit sa sandaling higit itong kailangan ng bansa.
Ang tanong – may tiwala pa ba ang magkabilang kampo sa isa’t isa?
