HINDI PAGMAMAHAL ANG PANANAKIT

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MABILIS kumalat online ang usapin tungkol sa isang vlogger at sa kanyang asawang pulis matapos lumabas ang CCTV footage ng umano’y mainit na insidente nilang mag-asawa.

Mas lalo itong pinag-usapan dahil binalikan ng netizens ang dati niyang post noong Pebrero kung saan makikita siyang may hawak na bouquet habang tila pabirong binabanggit ang mga pasa sa kanyang mukha.

Dahil dito, maraming tao ang muling napaisip kung hanggang saan ang kayang tiisin ng isang tao sa ngalan ng pagmamahal.

Sa totoo lang, hindi na bago ang ganitong kuwento. Marami nang relasyon ang maganda lang tingnan sa litrato pero puno naman pala ng sakit kapag wala nang camera. Kapag may bulaklak, sweet na caption, at masasayang video, madaling isipin na maayos ang lahat. Pero minsan, may mga bagay na hindi nakikita ng publiko. May mga luha at takot na itinatago sa likod ng mga ngiti.

Habang binabasa ko ang mga reaksyon ng mga tao online, napansin ko kung gaano kabilis manghusga ang iba. May mga nagsasabing bakit hindi agad umalis. May mga nagtatanong kung bakit nananatili pa rin sa relasyon kahit may sakit na nadarama.

Pero para sa akin, mas madaling magsalita kapag wala ka sa sitwasyon. Hindi mo alam kung gaano kahirap kumawala kapag mahal mo pa ang tao. Hindi mo alam kung ilang beses nang nangako na magbabago. Hindi mo alam kung ilang gabi nang iniisip kung baka bukas maging maayos na ulit ang lahat.

Kaya mali kapag tinatawag na mahina ang mga taong nananatili sa masakit na relasyon. Hindi kahinaan ang umasa. Hindi katangahan ang magmahal. Tao lang sila. May puso rin silang gustong maniwala na kaya pang ayusin ang nasira. Pero may hangganan din ang pag-intindi. Kapag nawawala na ang respeto at seguridad, ibang usapan na iyon.

Nakalulungkot din na sa panahon ngayon, parang normal na lang sa iba ang pananakit sa relasyon. May mga taong ginagawang biro ang selos, sigawan, at pananakit. Kapag may pasa, tinatakpan ng makeup o idinaraan sa biro para hindi seryosohin ng iba. Pero ang totoo, walang nakatatawa sa takot. Walang nakakikilig sa relasyon na kailangan mong mag-ingat sa bawat galaw at salita mo.

Hindi rin dapat ginagamit ang kapangyarihan o posisyon para manakot o manakit. Kapag may respeto ka sa taong mahal mo, hindi mo siya sasaktan para lang makontrol siya.

Hindi mo ipararamdam na maliit siya. Ang pagmamahal dapat ay may katahimikan at seguridad. Hindi kaba at takot.

Sa dami ng reaksiyon online, sana mas piliin ng mga tao ang pag-unawa kaysa panghuhusga. Hindi natin alam ang buong kuwento sa likod ng mga viral video at larawan. Pero isang bagay ang malinaw. Walang taong deserve masaktan sa relasyon.

Walang dapat magtiis dahil lang natatakot silang mag-isa o dahil umaasa silang magbabago pa ang lahat.

At para sa mga taong tahimik na nasasaktan ngayon, sana maalala ninyo na mahalaga rin kayo. Hindi sukatan ng pagmamahal ang dami ng sakit na kaya mong tiisin. Hindi mo kailangang ubusin ang sarili mo para lang mapatunayan na mahal mo ang isang tao. May karapatan kang piliin ang sarili mo. May karapatan kang humingi ng respeto, katahimikan, at pagmamahal na hindi ka pinaiiyak gabi-gabi.

Minsan, ang pinakamatapang na desisyon ay hindi ang manatili. Kundi ang piliing iligtas ang sarili mo habang may natitira ka pang lakas at pagmamahal para sa sarili.

110

Related posts

Leave a Comment