PAMAHALAAN HINIMOK ISAAYOS ANG NATIONAL BUDGET

HINIMOK ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano kamakalawa ang gobyerno na isaayos ang paggamit ng National Budget para lahat ng uri ng krisis na dumaraan sa bansa ay natutugunan at walang natatabunan.

Sa isang media forum, idiniin ni Cayetano na may pera namang magagamit ang gobyerno sa pagtugon sa mga kalamidad at krisis, pero nakakalat ang mga ito sa iba’t ibang departamento.

“Hindi problema ang pera. There’s P80 billion with DSWD (Department of Social Welfare and Development), DOLE (Department of Labor and Employment), DTI (Department of Trade and Industry), and DOTr (Department of Transportation),” pahayag ni Cayetano.

Aniya, ang kailangan ng gobyerno ay maging organisado sa paggamit nito.

Dagdag pa niya, hindi dapat nababawasan ang atensyong ibinibigay ng gobyerno sa bawat hawakan nitong krisis o kalamidad.

“Medyo magaling na tayo sa relief but medyo mabagal talaga tayo sa rehabilitation. In fact ‘pag may nangyaring bagong kalamidad, nakakalimutan na natin yung dati,” wika ni Cayetano.

Ganoon aniya ang nangyari sa bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, na tumama sa bansa isang buwan matapos ang 7.2 magnitude na lindol sa Bohol.

“That happened to Bohol n’ung malaki ang damage ng lindol before tapos nagka-Yolanda. Buti na lang the Boholanos said unahin n’yo ang Yolanda kasi sila maraming namatay, kami damage lang. Pero hindi na nabalikan yung iba,” wika ng dating Speaker.

“I hope this doesn’t happen to the victims of typhoon Odette,” dagdag pa niya.

Pandemic response

Hinimok din ng mambabatas ang pamahalaan na huwag maging kampante pagdating sa pagtugon sa pandemya, lalo na sa pagbibigay ng tulong pinansyal.

“Nagtatrabaho naman talaga ang gobyerno, lalo na yung local government, o IATF, pero yung mindset kasi parang matatapos na ang pandemic, may bakuna na, may gamot na, eh all the doctors have been telling us, we have to live with COVID, hindi basta mawawala ito,'” diin ni Cayetano.

“We cannot innovate, we cannot adapt kung ang parati nating iniisip ‘matatapos na’,” dagdag niya.

Puna ni Cayetano, magdadalawang-taon na ang pandemya subali’t tila hindi pa rin malinaw sa gobyerno kung paano nito sisiguraduhing lahat ng pinakaapektadong Pilipino ay mabibigyan ng tulong.

“Ang good news, between DSWD, DOLE, DOTr, at DTI, may P80 billion na ayuda. Ang bad news, napakaliit ng P80 billion,” wika ng dating Speaker.

“So kung magla-lockdown tayo, mangangapa na naman tayo kung saan tayo kukuha, so napaka-importante na sa bawat galaw natin, we try to predict the unpredictable,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, pinakamadali at mabisang paraan pa rin ang direktang pamimigay ng financial assistance, lalo na’t nagbabadya na naman ang mas mahigpit na lockdown dahil sa mga kaso ng Omicron variant infection. (CESAR BARQUILLA)

132

Related posts

Leave a Comment