PANALONG TALUNAN

KARANIWANG kalakaran sa mga kandidato sa halalan ang pangangalap ng donasyon. Mayroon din namang ang diskarte ay mangikil, o ‘di naman kaya’y gumitna sa mga alanganing transaksyon.

Ito ang kwento ng dalawang kandidato – isa sa posisyon ng pangulo at isa naman ay ambisyong makaupo sa Senado.

Si ginoong presidentiable, hayahay sa pondo. Dangan naman kasi, P5-bilyon agad ang inihatag sa kanya ng dalawang sikat na kapitalista, bukod pa sa mga Intsik na binabalukol niya, kontratistang pinaboran niya, mga gambling lord na sa kanya ay may lingguhang tara at iba pang pinangakuan ng langit at lupa sa sandaling makalusot sa karera.

Ang totoo, matagal nang sikat si ginoong presidentiable, lalo na sa mga mayayamang bakla. ­Artistahin ang mukha pero mas bagay siyang kontrabida, papel na ginagampanan sa totoong buhay niya.

Seryoso ba siyang manalo? Pwede naman siguro pero ang aking natitiyak – matalo man sa bilangan ng boto okey lang sa kandidatong sikat dahil pagkatapos ng halalan, panalo sa pera ang hinayupak.

Clue: Isa siyang sugarol, pati mga drug lord siya ay mapagpatol.

Para naman sa kwento ng ambisyosong kandidatong target ay isang upuan sa Senado, mahilig siyang mangolekta, pero hindi mga antik o mga obra maestra. Ang kanyang paborito ay magbilang ng perang nasilat niya sa pagiging fixer mula sa mga malakihang kontrata.

Kabilang sa kanyang bina­lukol ang isang bulilyasong ­kontratistang kapatid niya sa paniniwala. Sa isang departa­mento ang kontratista ay nagkaproblema, dangan naman kasi puro palsipikado ang dokumentong ipinrisinta.

Dito na pumasok ang ating bidang to the rescue sa nasabing kontratista. Ang ending – nahilot ang bulilyaso kaya naman ang P1.1 bilyong kontrata, tuluyang nasungkit ng bulilyasong kontratista.

Bilang gantimpala, tumang­gap ang bida ng karampatang pabuyang hindi barya-barya. Tumataginting na P200 milyon para daw gamitin sa kanyang kampanya.

Ang siste, nangamote sa mga survey ang nasabing bida kaya naman ngayon, todo higpit na lang sa hawak niyang pera.

Clue: Isa siyang kongresistang matabil pero kulang sa gawa.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

204

Related posts

Leave a Comment