HINDI lamang ang ating kalusugan ang higit na naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19, pagkat ang mga pabalik-balik na quarantine restriction at kawalan ng regular na trabaho ay higit ding nakaapekto sa mentalidad ng ating mamamayan.
Sa darating na buwan ng Mayo, gaganapin nang muli ang panibagong halalan kung kaya’t hindi na bago ang kaliwa’t kanang batikusan na ating nasasaksihan sa mundo ng pulitika na tila ba ay paboritong teknik ng ating mga kandidato upang sila at hindi ang kanilang mga katunggali ang maluklok sa pwestong kanilang hinahangad.
Kaya lamang, ang patuloy na negatibong diskurso sa mga pahayagan at social media ay tila hindi na matagumpay sapagkat ang pahirap na dulot ng pandemyang ito ay nag-udyok sa mga Pilipino upang mas maging matalino sa pamimili ng lider na ihahalal sa pwesto.
Sa panahon na naglipana ang mga negatibo at toxic na diskurso sa media, nararapat lang para sa ating mga kababayan na mabigyan ng relief kaya tigilan na natin ang batuhan ng putik, insultuhan, o anumang negatibong mensahe, sapagkat sa totoo lamang, pagod na ang mamamayan sa ganitong uri ng pangangampanya.
Habang ang karamihan ay nagbabatuhan ng mga maaanghang na diskusyon ay kakaiba namang uri ng kampanya ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil mas itinutuon nila ang kanilang sarili sa istratehiyang ang layunin lamang ay ihayag at ipaalam sa publiko ang kanilang mga plataporma at programa para sa bansang Pilipinas.
Ayon sa tagapagsalita ng kampo ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez, mas pinili ng kanilang grupo na isantabi na lamang ang pakikipagpalitan ng mga maaanghang na salita sa kanilang kapwa kandidato dahil hindi naman ito kailangan, bagkus ay ituon na lamang ang kanilang pansin sa pagpapaalam ng kanilang programa para sa mga Pilipino.
Bukod pa rito, mas nais umano ng kampo ni Marcos na gamitin ang social media at iba pang communication channels sa kanilang kampanya dahil mas direkta nilang naihahayag ang kanilang layunin sa mga tao.
Katulad ng teknolohiya, kailangan nating umangkop sa kung ano ang mas kinakailangan ng mamamayan.
Gasgas na ang batuhan ng baho bilang campaign strategy, at bilang tatakbo sa isang mataas na posisyon, ang ganitong uri ng pangangampanya ay napaka-unprofessional.
Sa aking paniniwala, ang ibig nang malaman ng mga tao ay kung anu-ano nga ba ang mga plano ng mga kandidatong ito para sa bansa—anu-ano ang kanilang mga gagawin upang makamit ito kapag sila na ang naluklok sa pwesto; kung paano pauunlarin ang bansa, at higit sa lahat, kung anu-ano ang kanilang hangarin para paunlarin ang kalakalan at negosyo.
Dagdag pa, kailangan ding malaman ng mamamayan kung paano haharapin ang krisis na dulot ng COVID-19, at ano ang mga kailangang asahan ng sambayanan sa susunod na anim na taon.
Gamitin natin ang developmental communication upang mas lalong maintindihan ng mamamayan at nang sa gayon ay mabigyan sila ng gabay kung sino nga ba ang nararapat iboto sa araw ng halalan.
‘Di natin alintana kung gaano ka-kritikal ang susunod na eleksyon sapagkat nanggaling tayo sa hagupit ng pandemya kaya dapat lamang na maging maingat tayo sa ating istratehiya dahil makilatis na ang mamamayan ngayon sa kung ano ang mabuti at kung sino ang mga mas makatutulong sa pag-unlad ng ating bayan.
