KAPIT-TUKO SA PWESTO

HINDI na bago ang kapit-tuko sa hanay ng mga taong gobyerno sa hangaring manatili sa pwestong karaniwang ginagamit ng mga mapagsamantala sa hangaring kumita ng bonggang-bongga!

Subalit sa kasong idinulog ng mga residente ng isang residential subdivision sa lungsod ng Antipolo, mistulang mayamang tanggapan ng pamahalaan ang tingin ng mga ­nanunungkulang ayaw bumitaw sa ­pamunuan. Dangan naman kasi, ayaw pang bumitaw sa pwesto sa kabila ng pagtatapos ng kanilang termino.

Giit ng mga prenteng-prente sa trono, kailangan munang mawala nang tuluyan ang banta ng COVID-19 bago magdaos ng halalan.

Susmaryosep! Ayon mismo sa mga eksperto, hindi na mawawala ang COVID-19. Nangangahulugan bang habambuhay sila sa pwesto?

Hinanakit ng mga residente ng Our Lady of Lourdes Subdivision sa Barangay Cupang ng nasabing lungsod, mistulang ATM ng mga nakapwesto ang kanilang homeowners’ association na masigasig lang sa koleksyon pero bingi sa panawagang eleksyon.

Partikular nilang tinukoy ang isang nagngangalang Manuel Rojas na tumatayong pangulo ng Our Lady of Lourdes Subdivision Homeowners Association (OLLSHOA).

Giit ng mga residente – tama na, sobra na!

Bakit nga naman hindi ­mananawa ang nasa 200 ­pamilyang ­miyembro of OLLSHOA kung ang paratang sa mga nanungkulan ay garapalang katiwalian sa pondo ng kanilang maliit na pamayanan.

Ayon sa kanila, apat na taong kinalimutan ang ­polisiyang transparency at ­accountability na kalakip ng ­mandatong batay sa ­kanilang bylaws sa aspeto ng ­pananalapi ng pamayanan.

Sa madaling salita, walang inilabas na financial report mula nang maupo sa pwesto. Wala na rin pondo – at ang masaklap, baon pa sa utang ang OLLSHOA. Sumbong pa nila, pinupuwersa pa silang sumuka ng P2,500 bawat isa (bukod pa sa buwanang butaw na P200) para sa kung anong ek-ek ng nakapwesto.

Kung sa tingin niyo, pondo ng OLLSHOA lang ang interes ng ­nakapwesto, nagkakamali kayo, ayon sa isa sa mga dumulog na residente. Suspetsa pa nila, nagkamal nang bonggang bongga ang kanilang mga opisyal nang pahintulutan ng ­pamunuan ng OLLSHOA na makapagtayo ng cell site ang Dito ­Telecommunity na pag-aari ng kontrobersyal na negosyanteng si Dennis Uy.

Ang problema, hindi naman pala kinonsulta ang mga apektadong ­residenteng kalaunan ay nagpahayag na kontra sa anila’y kalapastanganan sa kanilang karapatan, bukod pa sa bantang peligro ng naturang pasilidad sa kanilang kalusugan.

Sa dokumentong ipinrisinta sa mga peryodistang inanyayahan sa pulong-balitaan, lumalabas na naka­tayo na ang cell site bago pa man ito ginawaran ng permit ng Antipolo City government.

Hay naku… ang tao nga naman ‘pag nakatikim ng kapangyarihan, ayaw nang bitawan! Paano pa kaya kung barangay o buong lungsod na ang kanilang pamunuan?

Bukas ang Insider sa panig ng mga inirereklamo kung sila’y may nais iparating o paglilinaw sa usapin.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

476

Related posts

Leave a Comment