ISKO MORENO NAMAMANGKA SA DALAWANG ILOG?

INIHALIMBAWA sa namamangka sa dalawang ilog si Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno sa kanyang istratehiya na pagkakaroon ng dalawang vice presidential aspirant na dinadala.

Pinuputakte ngayon ng PUNA si Moreno dahil sa isang poster na nakita sa kanyang sinasakyan habang siya ay nagka-caravan na ang nakalagay na poster ay ang ISSA o Isko-Sara tandem.

Sabi tuloy ng mga miron, salawahan daw si Moreno, may vice presidential aspirant na siyang kasama, ay naghanap pa ng iba.

Ayon naman kay Mang Mario na mahilig sa kwentong barbero ng Caloocan, ‘walang forever’ kaya naghanap si Isko ng iba.

Kaya ayon, concentrate na uli si Dr. Willie Ong sa kanyang live streaming na may kinalaman sa payong kalusugan.

Teka balikan natin, bago pa man uminit ang BBM-SARA tandem ay bumabatikos itong si Moreno sa mag-amang Pangulong Rodrigo Duterte at Mayor Inday Sara.

Anyare, bakit bigla atang nagbago ang ihip ng hangin? Dahil ba hindi tumataas ang kanyang survey?

Parang sinisisi mo na parang pabigat lang sayo si Dr. Willie Ong? Wow ha!

Kamakailan, inilunsad ni dating Maguindanao Cong. Zajid “Dong” Mangudadatu ang ISSA tandem sa isang restaurant sa Quezon City.

Isa sa dumalo ay ang PUNA at tinanong natin si Mangudadatu kung alam ba ni Mayor Inday Sara ang kanilang ginawang paglulunsad at sinabi niyang ‘may karapatan naman daw siyang hindi sagutin ang tanong.’

Matapos na pumutok ang nasabing paglulunsad ng ISSA tandem ay naglabas ng official statement sa pamamagitan ng video si Mayor Inday Sara, na sinasabi niyang tapat siya sa kanyang sinumpaan sa kanilang UniTeam ni BBM at sa kanyang partido na Lakas-CMD.

Malinaw na gawa-gawa lamang at gimik lang ng kampo ni Moreno ang ISSA tandem para umangat sa survey ang Manila Mayor.

Makatulong naman kaya kay Moreno ang ginawang ISSA tandem ni Cong. Mangudadatu o baka lalo pang magpalubog ito sa kanya?

Hindi matutuwa ang milyun-milyong subscribers sa social media account ni Dr. Ong, na ipinagpalit siya ni Moreno kay Mayor Inday Sara.

Sa ganang akin, hindi makakakuha ng simpatiya mula sa mga Pilipino ang ISSA tandem na ginawa ni Cong. Mangudadatu dahil isa itong hindi pagsunod sa kanilang sinumpaang pagsasama nina Moreno at Ong hanggang sa katapusan ng halalan sa May 9, 2022.

Bagama’t minsan ay pumapangalawa na si Moreno kay dating Bongbong Marcos sa ilang survey, ay hindi ito masasabing resulta ng kanilang ginawang gimik na ISSA tandem.

Ayaw na ng mga Pinoy na niloloko sila ng mga politiko, dahil sawa na sila sa traditional politicians na papalit-palit ng kasama dahil lamang sa personal interest.

Sabi nga nila maraming bigas pang kakanin si Isko Moreno bago niya maabot ang kinalalagyan sa survey ngayon ni BBM.

Sa pangkalahatan ay nakakuha si BBM ng 60% na tiwala mula sa mga Pilipino, kahit pa lahat ng presidential aspirants na katunggali ng batang Marcos ay pagsama-samahin ang resulta ng survey ay hindi pa rin sila makakalagpas sa 60% dahil ang mathematics ay hanggang 100% lang.

Lumalabas na ang natitira sa 100% ay 40% na lang na paghati-hatian ng mga katunggali ni BBM.

Simple mathematics ‘yan, kahit ano pang gawin ni Moreno, ­maglupasay man siya ay hindi pa rin siya makakalagpas sa 60% ni BBM.

Mas makabubuti sa kanya ay magbalot-balot na lang para ­umatras siya.

Gimik pa more! Ala talagang forever!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

216

Related posts

Leave a Comment