MARAMING netizens ang nagtatanong kung bakit buhos ang suporta at pagmamahal ng mga nakatatanda, maging ng kanilang pamilya, sa pagtakbo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at naging kapansin-pansin sa motorcades ni BBM na maging mga matatanda ay emosyonal na lumabas ng kanilang tahanan upang magpakita ng suporta sa anak ng dating pangulo na nagsilbing gabay sa kanilang kabataan.
Sa mahigit dalawang dekada na panunungkulan noon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay hindi lamang nito tinutukan ang paglaban sa mga komunistang grupo na nais pabagsakin ang gobyerno.
Isang prayoridad noon ni Pangulong Marcos na mapabuti ang pag-aaral ng mga kabataan para sa kanilang magandang kinabukasan at dahil dito ay kanyang tinutulan ang lahat ng makakasira upang hindi malason ang isipan ng mga mag-aaral para mapapayag na mapabilang sa mga komunistang NPA na sumama sa kanilang hanay na magrebelde at lumaban sa pamahalaan.
Matapos pirmahan ni Marcos ang Proclamation 1081 o Martial Law noong September 21, 1972 ay dalawang araw pa, noong September 23, bago ito naramdaman ng mga negosyanteng nakikipagsabwatan sa komunista, na ipinatigil ang paglabas ng kanilang pahayagan at ang pag-ere ng ilang broadcasting networks at nagkaroon ng curfew upang hadlangan ang komunista sa kanilang recruitment activities.
Maging ang pag-ere sa telebisyon ng animated series na “VOLTES V” na unang ipinalabas sa GMA network noong May 5, 1978 ay ipinatigil ni Marcos noong August 27, 1979, na may 4 episodes pang hindi naipalabas dahil sa pagpapakita nito ng bayolente at nagtutulak ng pagrerebelde laban sa pamahalaan, naging prayoridad ni Marcos ang mga kabataan na mailayo sa anumang masasamang bisyo na makakasira sa kanilang pag- aaral.
Dahil sa wala pang social media o gadgets ay tanging ang mga may kaya sa buhay ang mayroong kakayanan na nagkaroon ng game console na “Atari” noong 1977 at “Game and Watch” noong 1980, nang panahong iyon ay ang Harrison Plaza sa Malate, Maynila na pinaka-unang modernong shopping mall sa bansa na binuksan noong 1976, ang nagkaroon ng game arcades sa bansa na naging tambayan ng ilang mag-aaral na naging dahilan upang hindi pumasok sa paaralan kung kayat iniutos noon ni Marcos sa mga alagad ng batas na sirain at wasakin ang ilang game arcade machines.
Mula sa murang kaisipan ay magkakaroon ka ng galit sa iyong puso at damdamin kung bakit ito ginawa ni Marcos ngunit pagdating ng panahon ay doon mo maiisip na tama lamang ang ginawa ng dating lider na pinotektahan ang kinabukasan ng mga kabataan naging dahilan kung bakit sila ngayon matagumpay sa buhay at ‘yan ang tatak Marcos.
Kung ikukumpara natin ang administrasyon matapos na maagaw ng Aquino ang pamamahala ay malayong malayo sa kinahinatnan ng mga kabataan na imbes na nasa paaralan ay nakikipaghabulan at bayolenteng nakikipaglaban at sumasama sa mga rally at ang iba naman ay binitawan ang kanilang aklat at nasa bundok na may hawak na armas dahil bigo silang protektahan laban sa recruitment activities ng makakaliwang grupo.
Dalawang taon pa lamang ako sa pamamahayag taong 1992 ay nagkaroon ako ng pagkakataon upang makapanayam ang mga rebeldeng NPA sa bundok ng Sierra Madre, dito ay nakita ko kung anong buhay mayroon ang mga dating mag-aaral, babae man o lalaki na nasayang ang buhay at kinabukasan sa pakikipaglaban sa maling pamamaraan at pagkalason ng kanilang isipan.
‘Yan ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhos ang pagmamahal ng inyong mga lolo at lola maging ang inyong mga magulang sa mga Marcos dahil hindi nila kayo mapapalaki nang maayos kung naging masama ang pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
