SA hudyat ng pananakop ng Russia sa karatig bansang Ukraine, lumutang ang mga haka-haka ng mga dalubhasa sa ekonomiya. Halos lahat nagsasabing lilikha ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang sigalot sa pagitan ng dalawang estadong dating bahagi ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR).
Pangamba ng mga ekonomista, posibleng kapusin ang suplay ng produktong petrolyo sukdulang umabot sa $120 kada bariles ang presyo nito sa pandaigdigang merkado, lalo pa’t kapwa oil-producing countries ang naturang mga estado.
Bagama’t malayo ang Pilipinas sa nasabing hidwaan, ang sigurado apektado ang mga Pilipino. Bakit kamo? Dangan naman kasi umaasa lang tayo sa suplay ng langis mula sa pandaigdigang merkado.
Subalit hindi pa man sumisiklab ang gulo ng dalawang bansang Ruso, dusa na tayo sa pahirap na dulot ng mga mapagsamantalang kapitalistang nagbebenta ng mga produktong petrolyo. Ang totoo, pwede naman makaiwas tayo sa kasakiman ng oligarko at dagok ng hidwaan sa pagitan ng mga nasabing estado kung naging maagap lang sana ang ating gobyerno.
Taong 1994 nang ilabas ng Philippine National Oil Company (PNOC) ang resulta ng kanilang pag-aaral katuwang ang Petronas Corp. (Malaysia) sa bahagi ng Liguasan Marsh kung saan anila may mayamang deposito ng minang ginagawang produktong petrolyo.
Partikular na tinukoy sa nasabing pag-aaral ang Cotabato Basin kung saan anila mayroong tinatayang 158 milyong bariles ng langis. Ang siste, hindi magalaw ng gobyernong tila takot maipit sa sagupaan ng mga angkan ng pulitikong giit maghari sa nasabing teritoryo.
Gayundin ang sapantaha ng mga eksperto sa karagatan ng Sulu na balwarte ng mga teroristang grupo.
Maging ang bansang Tsina ay nagpakita ng interes sa West Philippine Sea na kanila mismong napatunayang may nakamamanghang deposito ng mga langis na nakatago sa kailaliman nito.
Ano ang ginagawa ng mga lider ng gobyerno? Sa loob ng mahabang panahon, nagbulag-bulagan ang mga naluklok sa pwesto na mga opisyal ng gobyerno sa hiling ng mga oligarkong tanging hangad ay mapanatili ang kanilang monopolyo.
Ang totoo, hindi na kakailanganin pang umangkat at umasa sa langis mula sa ibang bansa dahil mayroon tayong mayamang deposito ng langis na pakay ng mga estranghero.
‘Yan mismo ang dahilan ng pagiging agresibo ng Tsina sa West Philippine Sea at ang pagiging adelantado ng Estados Unidos na kunwari pa’y sasagip sa ambang pananakop ng mga Tsino sa ating arkipelago.
Kung ako ang tatanungin, wala sa mga Tsino at Kano ang dapat pagkatiwalaan ng mga Pilipino.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
