MATAGAL nang hinahabol ng gobyerno ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil daw sa hindi maayos na pagbabayad ng buwis.
Pero mas pinaigting ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga polisiya nito kaya may pag-asa pang makabawi sa koleksyon sa buwis sa POGOs.
Malapit na raw kasing magbalikan ang mga operators at mga dayuhang empleyado ng POGOs sa bansa.
Umarangkada na kasi ang implementasyon ng Republic Act 11590 o mas kilala sa tawag na POGO tax law.
Nang ipatupad daw ang batas noong Oktubre ng nakalipas na taon ay nasa P1.2 bilyon ang nakolektang buwis.
Tinatayang P2.6 bilyon ang tax collection sa POGO bago pa man maisabatas ang POGO Tax Law habang sumirit sa P538 milyon ang nakolektang buwis sa POGO sa buwan lamang ng Enero ngayong taon.
Maganda naman daw ang koleksyon ng buwis sa unang buwan ng 2022 pero mas maigi raw kung magsisipag-balikan na rin sa Pilipinas ang iba pang operators ng POGOs maging ang mga empleyadong foreign nationals.
Kung maaalala, maraming POGOs ang umalis sa Pilipinas dahil naapektuhan ang sektor ng COVID-19 pandemic.
Iniulat din ng Phil. Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) noong nakaraang taon na nahigitan ng e-sabong o electronic sabong ang mga POGOs pagdating sa laki ng binabayarang buwis.
Kaya malaki ang naitutulong ng e-sabong sa revenues ng pamahalaan.
Dapat nating pasalamatan ang e-sabong operators sa kanilang pagiging good taxpayers.
Kung wala sila, baka lalo pang nalugmok ang ating ekonomiya.
Noon pa man, sadyang hindi na matatawaran ang papel na ginagampanan ng BIR at PAGCOR sa lipunan.
Habang sinisiguro nilang sapat at hayag ang binabayarang buwis ni Juan Dela Cruz, higit na nabibigyan ng pagkakataon ang gobyerno na maglingkod sa taumbayan sa pamamagitan ng paglalaan ng nalilikom na pondo sa mga epektibo at de-kalidad na programang panlipunan lalo na ngayong panahon ng krisis.
At dahil kabalikat ng mga Pilipino ang BIR at PAGCOR, walang ibang makikinabang sa buwis ng mamamayan at iba pang sektor kundi sila rin lamang.
Malinaw, nakasalalay sa BIR at sa iba pang stakeholder, kabilang ang e-sabong, ang tagumpay ng minimithing pagbabago ng mga Pinoy.
Samantala, aarangkada na pala simula ngayong araw ang malawakang pagtitipon ng mga talpakeros at sabungeros sa 8th International Gamefowl Festival (IGF) sa World Trade Center.
Tandaan po, maaaring mag-register na sa www.igf.com.ph at aabangan nila kayo sa GMP at Red Gamefarm booths para sa inyong champion gamefowl tips at iba pang products, kasama na ang ilang sorpresa’t papremyo.
Kita-kits, mga ka-sabong mula February 25 hanggang 27, 2022 sa WTC!
229 