HINDI ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) ang mabilis na pagkalat sa social media ng mga larawan ng mga kalalakihang ‘di umano’y bahagi ng 31 nawawalang sabungerong kanilang iniimbestigahan.
Paglilinaw ng Rizal Provincial Police Office, fake news ang viral na Facebook post kung saan sinasabing siyam sa 31 dinukot na sabungero mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon ang diumano’y natagpuan sa liblib na bahagi ng Tanay, sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang pahayag, nagbabala ang PNP sa anila’y mga nananabotahe sa kanilang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng magkakahiwalay na mga insidente ng pagdukot sa mga sabungerong una nang iniulat na sangkot sa game fixing.
Paniwala ng pulisya, sadyang inililigaw lang ang publiko sa gitna ng agam-agam ng mga kaanak ng mga biktimang hanggang sa ngayon ay ‘di pa natutunton ng pulisya, makaraang magkakahiwalay na dukutin sa Maynila, Bulacan at mga lalawigan sa Calabarzon region mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon.
Saad pa ng PNP, ang kumakalat na mga larawan ng mga nilikidang kalalakihan ay kuha kaugnay ng isang pananambang sa bayan ng Guindulungan sakop ng lalawigan ng Maguindanao nito lamang Pebrero 12. Siyam ang patay habang apat ang sugatan sa nasabing insidente.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na hahagilapin ang pinagmulan ng naturang fake news para sa angkop na pagsasampa ng kasong kriminal sa piskalya. (ENOCK ECHAGUE)
361 