TINATAYANG P256,000 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug enforcement Agency (PDEA) sa dalawang anti-narcotics operation na ikinasa ng mga tauhan ni Director General Wilkins Villanueva sa Quezon City at lalawigan ng Bataan
Magkatuwang na nilansag ng Anti-narcotic Operatives ng PDEA RO-NCR Manila District Office (MDO), sa koordinasyon ng MPD PS-6, ang isang drug den sa Brgy. 900, Punta, Sta. Ana, matapos ang ikinasang buy-bust operation.
Batay sa report ng mga operatiba kay DG Villanueva, kinilala ang mga nadakip na drug personalities na sina Edwardo Nicanor y Tabadero (watch listed/drug den maintainer), 40-anyos; Angelo Sison y Siata, 19, at Ruel Balatucan Jr. y Parane (watch listed), 22-anyos.
Nakumpiska sa operasyon ang ilang piraso ng sachet na naglalaman ng shabu na 23 gramo ang timbang at tinatayang P156,400 ang halaga, drug paraphernalia at ang buy-bust money.
Samantala, apat pang drug personalities ang nahuli at nakumpiskahan ng mahigit P100,000 halaga ng shabu sa noong Miyerkoles ng gabi sa Barangay Kaparangan, Orani, Bataan
Ayon sa isinumiteng ulat ni PDEA Regional Director Brayan Babang kay Villanueva, kinilala ng mga awtoridad ang naarestong mga suspek na Denver Tolentino y Gallego, 38; Leonardo Medina y Lozada, 38; Gene Phillip Canlas y Pereyrai, 30, at Genica Ann Tolentino y Canlas, 24-anyos.
Isinagawa ng mga ahente ng PDEA Bataan Provincial Office at Orani Police ang buy-bust operation dakong alas-8:25 ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na nakumpiskahan ng limang piraso ng sachet na naglalaman ng 15 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P102,000 ang halaga, drug paraphernalia at buy-bust money.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
432 