NAPIGILAN ng mga tauhan ng Joint Task Force Sulu ang tangkang pagpapasabog sa itinanim na roadside bomb sa Daan Putih, Brgy. Anuling, Patikul, Sulu noong Linggo.
Ayon kay 35th Infantry Battalion commander, Lt. Col. Domingo S. Robles Jr., nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente ng nasabing barangay kaugnay sa improvised explosive device (IED) na natagpuan sa tabi ng kalsada.
Dahil dito, mabilis na kumilos ang mga tauhan ng Philippine Army para beripikahin ang ulat.
Ayon kay Robes, katuwang ang Metro Jolo Inter-Agency Task Group, K9 Team at 37EOD Team na pawang nasa ilalim ng Joint Task Force Sulu, nagsagawa sila ng clearing/paneling operation Daan Putih, Brgy Anuling, Patikul, Sulu.
Nang madiskubre ang bomba ay matagumpay itong agad na na-defuse pasado ala-una ng hapon.
Narekober ng mga tropa ang 3 electric blasting caps, 6 metrong speaker wire, 1 metrong detonating cord, isang gallon ng ANFO, 12 volts motorcycle battery, 128 piraso ng 4-inch na pako at 37 pirasong ng 2-inch 10mm steel bars.
Ayon naman kay 1102nd Infantry Brigade commander, Col. Giovanni Franza, ang IED ay sadyang inilagay sa tabing-daan para pasabugan ang dumaraang mga sundalo at sibilyan.
Pinuri naman ni Joint Task Force – Sulu at 11th Infantry Division Commander, BGen. Ignatius N. Patrimonio ang mga tropa sa mabilis na aksyon, kasabay ng pagtiyak na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga responsable sa tangkang terrorist attack. (JESSE KABEL)
278
