PAYAG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspendihin ang lisensiya ng online cockfighting o “e-sabong” habang nakabinbin ang resolusyon ng kaso ng 31 nawawalang sabungero.
“Sen. Dela Rosa informed me that PRRD told him yesterday that he agrees!” ayon kay Senate President Vicente Sotto III sa kanyang tweet. Tinukoy nito ang impormasyon mula kay Senador Ronald dela Rosa.
Samantala, sinabi naman ng Malakanyang na makabubuti sa publiko na hintayin na lamang ang magiging anunsyo mismo ni Pangulong Duterte sa nasabing usapin.
“Abangan na lang natin mamaya sa Talk to the People, or even before that kung meron kaming ilalabas na announcement,” ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Si Dela Rosa, close ally ni Pangulong Duterte, ang nagunguna sa Senate committee on public order and dangerous drugs, na nag-iimbestiga sa pagkawala ng 31 sabungeros.
Itinulak nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Sotto III ang pagpapatigil sa operasyon ng e-sabong sa bansa matapos ang insidente ng pagdukot at pagkawala ng mga sabungero sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon.
Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, pinaboran ang suspensyon ng lisensiya ng Belvedere Vista Corp., Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc., at Golden Buzzer, Inc.
Bagaman pabor ang PAGCOR sa suhestiyon, sinabi ni acting Vice President of E-Sabong Licensing Department na si Diane Erica Jogno na kailangan pa itong aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. (CHRISTIAN DALE)
