MAGDARAOS ang Pilipinas ng pang-apat na “Bayanihan, Bakunahan” sa Marso 7, target na mabakunahan nito ang mas marami pang senior citizens.
“Nag-announce na si (National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer and testing czar) Secretary (Vince) Dizon, about the week of March 7 ang ating NVD (National Vaccination Days) 4, we are still finalizing concept,” ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa public briefing.
Sinabi pa ni Cabotaje, pinuno rin ng National Vaccination Operations Center, ang pang-apat na “Bayanihan, Bakunahan” ay naglalayong makapagbakuna ng mas maraming lolo’t lola sa mga lugar na may mababang vaccine coverage.
Idagdag pa rito, palalakasin ng pamahalaan ang pagbabakuna para sa mga 12 hanggang 17 taong gulang, kabilang ang mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang primary vaccine series.
Sa third edition ng Bayanihan, Bakunahan, kapos sa target na 5 milyong vaccinees dahil mayroon lamang 3.4 milyon ang nabakunahan sa buong nine-day drive.
Wala pa namang target na bilang ang DoH kung ilan ang kanilang babakunahan para sa March 7 run.
“Iyong ating target ay ikokonsulta natin sa ating lokal na pamahalaan this coming week. Ano ba iyong kailangang taasan pa, lalung-lalo na iyong mabababa iyong vaccination coverage. So, we don’t have the target yet,” lahad nito.
