NAKU, matindi talaga ang epekto ng fake news.
Kamakailan, kumalat ang balita na sinuspinde na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng online sabong o e-sabong.
Paano kasi, nilinaw mismo ng Palasyo na wala pa silang natatanggap na resolusyon mula sa Senado tungkol sa pagpapatigil ng kontrobersiyal na e-sabong.
Sabi ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesperson Karlo Nograles, wala pang ipinapadalang resolusyon sa Office of the President o kahit sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Sabi nga ni Nograles, aba’y puro mga balita pa lamang sa mga pahayagan ang kanilang mga nababasa.
Pero wala pa raw palang opisyal na dokumento hinggil dito.
Dadaan kasi ito sa tamang procedure.
Nariyan din ang screening na gagawin ng PAGCOR.
“First of all procedurally, kailangan pa po natin, kailangan ng Senate resolution to be sent to PAGCOR, then PAGCOR to advise the Office of the President with regard to that,” ani Nograles.
Ang sinasabing reso raw ay wala pa sa kanila.
Wala ring update mula rito sa PAGCOR.
“So wala pa po tayong abiso. These are all reports that we read in the newspapers. These are reports that we heard, but there is no official document that has been transmitted either to the Office of the President or to Malacañang or to PAGCOR or to whatever,” ani Nograles.
Tingnan n’yo naman ang nagagawa ng fake news.
Tsk, tsk, tsk.
Ibig sabihin, may gusto lang magpakalat ng ganoong balita para sirain ang e-sabong.
“Wala pa pong Senate resolution, so it’s all—there is no paper to show or point to anything. So, ganoon po ang status ngayon,” sabi pa ni Nograles.
Ang pahayag ni Nograles ay lumabas isang araw matapos sabihin daw ni Senate President Vicente Sotto III na pabor si Pangulong Duterte sa panukalang suspendihin ang e-sabong permits.
Kung matatandaan, nagsagawa ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ng hearings ukol sa pagkawala ng 31 sabungero.
Lumalabas nga lang sa mga pagdinig na hinihinalang mga sindikato sa pagtyope ng mga manok at financiers ng mga pekeng websites ang tila may kinalaman dito.
Sa ngayon, masusing iniimbestigahan daw ng pulisya ang usapin.
Nakabibilib din na buo ang kooperasyon ng mga legal na e-sabong operators ukol sa naturang imbestigasyon.
257
