GAANO ba kamahal ang laway ni Albert Nocom na nagpapakilalang tunay na anak ng yumaong business magnate na si Mariano Nocom Sr. at bakit takot siya at ayaw niyang gamitin ito para sumalang sa isang DNA test na magpapatunay sa kanyang tunay na pagkatao?
Ito ang tanong ng panganay na anak ni Mariano Sr. na si Mariano Jr. na nagpahayag na ang tanging paraan para tuldukan at tapusin na ang usapin sa pagkatao ni Albert ay ang pagpayag niyang sumailalim sa DNA test.
Para kay Mariano Jr. ito rin ang paraan para maresolba na ang kabi-kabilang kaso na nakahain sa husgado kaugnay ng usapin sa legalidad ng pag-angkin ni Albert sa mga kayamanang pinaghirapang ipundar ng ama niya at ngayon ay pilit na inaangkin ng isang ampon.
Sa rekord ng husgado, Pebrero 2019 pa nang pormal na hilingin ng panganay na anak ng yumaong Nocom na magpa-DNA test si Albert na nagpapakilalang biological son ng kanyang ama, sa hangaring maisaayos ang yaman sa kanilang pamilya na kinabibilangan ng Salem Investment Corporation – pera sa bangko at mga naglalakihang negosyo.
Giit ni Mariano Jr., hindi nila hangad na sarilinin ang yamang naiwan ng ama, bagay na aniya’y lantarang ginagawa ni Albert matapos pumanaw ang kanilang ama na si Mariano Sr.
Katunayan aniya, batid niyang may karapatan sa ilalim ng umiiral na batas ang mga ampon kung dumaan sa tamang court proceedings ang pag-ampon sa kanya.
Una nang sinampahan ng patung-patong na kaso ni Mariano Jr. ang tinutukoy niyang ampon kaugnay ng daang milyong pisong nawawala sa negosyong iniwan sa kanila ng ama.
Subalit sa halip na magpaliwanag, iginiit umano ni Albert ang karapatan nito bilang biological son at tanging tagapagmana ng mga negosyong naiwan ng yumaong Mariano Sr.
Sa tala ng Pasay City Regional Trial Court, kusang-loob na nagprisinta si Mariano Jr. na sumalang sa DNA test kasabay na petisyong humihiling sa husgadong tapusin ang usapin sa paraang paglalabas ng isang court order sa nagpapakilalang biological son ng kanyang ama para sumalang din sa pagsusuring konklusibo – ang DNA test.
Sa halip na kumasa sa hamon para sa DNA test, iprinisinta na lamang ni Albert Nocom ang isang birth certificate na pakay pa rin ng isang kasong nakabinbin sa Court of Appeals.
“Masyado nang humahaba. Nagiging komplikado na. Napakasimple lang naman ng nais ng pamilya namin. Patunayan niyang tunay na anak siya ng father ko, then that’s it,” iritableng pahayag ni Mariano Jr.
Sa limang-pahinang “manifestation” na isinumite sa Pasay City RTC Branch 117, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Mariano Jr. sa naging tugon ng nagpapakilalang kapatid niya.
“Palaging sinasabi ni Albert na tunay na anak siya ng father ko (Mariano Sr.), pero ayaw naman niyang sumalang sa DNA test. Ano ba meron sa DNA test na parang kinakatakutan niya,” dagdag pahayag ng dismayadong Mariano Jr.
Paglilinaw ni Mariano Jr., ibibigay niya ang angkop na parte ni Albert sa naiwang yaman ng yumaong negosyante kung lalabas sa DNA test na magkadugo sila.
Paliwanag naman ni Atty. John Domingo Ponce na tumatayong abogado ni Mariano Jr., hindi kailanman naging konklusibong ebidensya sa korte ang birth certificate, para maging basehan ng pagiging magkadugo ng magkabilang kampo kaugnay ng isinampang kaso ng mga tunay na anak laban sa anila’y nagpapanggap lang.
“Albert continues to dodge the challenge for him to take a DNA test. Albert insists (and verified under oath) that he is a biological and legitimate child of Mariano Nocom Sr. It is amusing how Albert desperately clings on to his birth certificate as proof that he is the biological and legitimate child of the late business tycoon,” ani Atty. Ponce.
Ani Ponce, ang birth certificate ay isa lamang prima facie evidence at walang kakayahang magbigay ng konklusibong katanggap-tanggap na patunay sa husgado, base na rin sa mga pagpapasya ng Korte Suprema sa mga kahalintulad na kaso.
1156
