Pati Ramadan target guluhin PLANONG TERORISMO SA HALALAN, BISTADO

BULILYASO ang planong paghahasik ng karahasan ng mga miyembro ng isang armadong grupo sa araw ng halalan, makaraang salakayin ng militar ang isang kuta ng teroristang Islamic State sa Barangay Ilalag sa bayan ng Maguing, sakop ng lalawigan ng Lanao del Sur.

Ayon kay 103rd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Jose Maria Cuerpo II, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa plano ng isang grupong pinamumunuan ni Abu Zacariah – bagong hirang na Emir ng Islamic States of Syria and Iraq (ISIS) sa Southeast Asia – na maghasik ng kaguluhan sa dalawang tampok na kaganapan sa bansa, ang halalan sa Mayo at ang paggunita ng Ramadan.

Paliwanag pa ng heneral, nagsimula ang kanilang operasyon noong Enero makaraang mapag-alaman ang paglipat ng teroristang grupo sa silangan bahagi ng Lake Lanao mula sa kanilang dating pinagkukublihan sa kanlurang bahagi ng lawa.

Nilinaw naman ni Col. Ramon Zagala na tumatayong tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na Daulah Islamiyah members ang target ng kanilang operasyon sa Lanao del Sur at hindi ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“The MILF is never our target, they are our partners in peace,” ani Zagala, kaugnay sa lumabas na ulat na kumaladkad sa MILF sa nasabing opensiba.

Samantala, inaalam pa ni Army commanding general Romeo Brawner kung kabilang si Abu Zacariah sa pitong Islamic State terrorist na napaslang sa naturang pag-atake.

Pagtitiyak ni Brawner, hindi na mauulit pa ang madugong Marawi siege na kumitil ng mahigit sa 100 tauhan sa panig ng pamahalaan.

Ayon kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., bukod sa 45 serve-crew at high-powered firearms, nasamsam din ang 22 Improvised Explosive Devices at ilang anti-personnel mines sa hot pursuit operations kasunod ng close air support and combat operations sa naturang bayan. (JESSE KABEL)

278

Related posts

Leave a Comment