SISIMULAN ang World Indoor Track and Field Championships sa ika-18 hanggang 20 ng Marso na wala ang Pilipino pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena, na panlimang pinakamagaling sa daigdig sa nasabing sport.
Hindi nakakuha ng endorsement ang 26-anyos na batang Tundo (Maynila) mula sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) para dalhin ang ating bandila sa tatlong araw na kompetisyon sa Belgrade, Serbia.
“I have not been endorsed for the worlds. Registration is now closed. I won’t be attending. I am the only top-ranked vaulter not participating,” malungkot na pahayag ni Obiena sa kanyang Facebook account.
“I will see other nations take the medal that Philippines should be winning,” nanghihinayang na sabi ng handang-handa pa namang lumaban na Pinoy pole vaulter.
Tinanggihan din ng PATAFA na iendorso si EJ sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo, world meet sa Oregon, USA sa Hulyo, at XIX Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Nakakuha ng upuan si EJ sa World Indoors matapos makamit ang gintong medalya sa Orlen Cup sa Poland noong nakaraang buwan, kung kailan nalampasan niya ang qualifying standard na 5.81 metro. Nagtala naman siya ng bagong national record at season best 5.91m sa silver medal finish niya sa Perche Elite Tour sa France noong ika-5 ng Marso.
Si EJ din ang kinikilalang pinakamahusay na Asian pole vaulter, na nasa likuran lang world’s best na sina Armand Duplantis ng Sweden, at Amerikanong sina Chris Nielsen, Sam Kendricks at KC Lightfoot.
“I am in prime physical and mental condition. I am ready to be the first Philippine homegrown athlete to compete in the world and I am ready to compete and bring home a medal,” giit ng communications engineering student ng University of Santo Tomas “Now is my time – no, now is our time! But sadly, we will never know. The Philippines pays the price for people who set the country aside for personal cause,” himutok pa ni Obiena.
Dahil nasarhan ng pinto sa World Indoor, sinisikap ngayon ng Philippine Olympic Committee (POC) na maisama si EJ sa SEA Games, kung saan nakatakdang ipagtanggol ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonatong nakamit noong 2019 edition sa Manila. Batid ng POC na “sure gold” ang Tokyo Olympian sa SEAG kaya’t ginagawa nito ang lahat upang ‘di masayang ang pagpupunyagi ni Obiena.
“It’s both frustrating and disappointing if we don’t see EJ setting a new SEA Games record in Hanoi,” ayon kay POC prexy Abraham “Bambol” Tolentino. “Logic plays a major role here for the need to include him in the SEA Games list, this is sports and he’s a national sports pride.”
Depensa ni PATAFA president Dr. Philip “Popoy” Ella Juico, may iba pa namang mga miyembro ng athletics team na kayang bitbitin ang bansa sa Vietnam. Tinutukoy niya ang mga ‘half blood’ o yaong may dugong Pinoy na atletang iniimport ng pederasyon kapag may mga regional meet gaya ng SEAG at Asiad, at maging Olympics.
Mas matimbang ang half Pinoy kumpara sa full-blooded at homegrown athlete na gaya ni Obiena? Nasaan ang pagiging makabayan ni Juico at ng PATAFA?
226 