HINDI dapat isisi ang pagkawala ng mga sabungero sa e-sabong o online cockfighting operations kundi sa “evil men” na gumawa ng mali.
Pahayag ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mistulang pag-abswelto sa nasabing online game nang dumalo ito sa pagpapasinaya ng bagong Leyte provincial capitol sa Palo.
Muli ring ipinagtanggol ng Chief Executive ang e-sabong at ang P640 milyon kada buwan na kinikita mula rito.
“It’s not the fault of the management… it’s the fault of evil men doing something wrong tapos nagkaupakan. Iba ang kultura ng mga sabungero at mga sindikato. Nagkabukuhan lang sila eh,” ayon kay Pangulong Duterte.
“Ang problema pinatay lahat. Thirty-eight? Thirty-six? Kasama sila sa pustahan e. Sa iba-ibang probinsya para hindi mahalata. Pupusta sa llamado o dehado depende sa usapan,” dagdag na pahayag nito sa pinaghalong Bisaya at Tagalog.
Binigyang diin ng Pangulo na mawawala sa pamahalaan ang bilyong piso na kikitain sa operasyon ng e-sabong kapag ipinatigil ito.
Bahala na aniya ang kapulisan na magpahinto sa krimeng maaaring kasangkutan nito.
Patay na
Kaugnay nito, mistula ring tinuldukan ni Pangulong Duterte ang manipis na pag-asa ng pamilya ng mga nawawalang sabungero makaraang magpasaring sa kanyang talumpati na posibleng patay na ang 34 kataong dinukot sa iba’t ibang lugar sa paniwalang sangkot sa game-fixing.
Hayagang sinabi ng Pangulo ang aniya’y posibleng kinahantungan ng 34 na sabungerong magkakahiwalay na dinukot sa Maynila, Bulacan, Laguna, Batangas at Rizal mula pa noong nakaraang taon.
Kumbinsido rin ang Pangulong sangkot ang mga biktima sa sindikatong nasa likod ng game fixing kung saan aniya tsopeng manok ang ilalaban sabay pusta sa kabila. (CHRISTIAN DALE)
