DUGUAN nang abutan sa ikalawang palapag ng kanyang tahanan sa lalawigan ng Lanao del Norte ang isang komentarista sa radyo noong Huwebes ng umaga.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Audrey Estrada ng Barangay Poblacion, bayan ng Bacolod, Lanao del Norte, na sinaksak ng hindi pa nakikilalang suspek. Si Estrada ay nagtatrabaho bilang isang komentarista ng 101.3 Grace Covenant FM.
Narekober naman sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak sa biktima.
Bagamat aminadong walang saksi sa pamamaslang sa komentarista, puspusan naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at posibleng motibo sa likod ng krimen.
Ayon kay Police Major Mohammad Doro, mayroon na silang ‘person of interest’. Tumanggi naman ang opisyal na magbigay ng iba pang detalye sa hangaring hindi masunog ang ikinakasang follow-up operation.
Si Estrada ang ika-23 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Samantala, arestado naman sa isang operasyon kahapon ng pulisya ang itinuturong utak sa likod ng pamamaslang ng isa pang mamamahayag sa Bislig City sa lalawigan ng Surigao del Sur, mahigit apat na taon na ang nakararaan.
Swak sa selda si Surigao del Sur Vice Gov. Librado Navarro at ang kanyang asawang si Bislig City Councilor Maelyn Gonzales Navarro na dinakip sa bisa ng mga mandamyento de aresto – pero hindi sa pagpatay kay Christopher Lozada kundi dahil sa patong-patong nA kasong estafa kaugnay ng investment scam na kinasangkutan. (FERNAN ANGELES)
345 