KALUNOS-LUNOS ang P200 kada buwan na ayuda ng gobyerno sa bawat pamilyang Filipino sa gitna ng fuel crisis na nagkakaroon na ng domino effect sa lahat ng mga bagay lalo na sa pagkain.
Kung hahatiin sa 30 araw ang P200, lumalabas na P6.66 lamang kada araw ang ibinibigay na ayuda sa bawat pamilya at kung 5 ang miyembro sa loob ng isang bahay, tig-P1.33 lang sila.
Pano kung 7 ang miyembro ng isang pamilya eh ‘di tig-95 sentimos lang sila. Nagbigay pa kayo? Sana ‘wag na lang magbigay dahil parang iniinsulto naman niyo ang mga tao.
Saan makararating ang P6.66 kada araw? Ang presyo ng pinakamurang bigas P24. Pang betsin lang ‘yan, baka kulang pa.
Ang tingin ba ng gobyerno sa mga taong pinamumunuan nila pulubi? Eh mas malala pa ang pulubi kung ituring nila ang mga tao. Kahit pulubi, ayaw tanggapin ang piso ngayon eh.
Bakit ba masyadong tinitipid ng gobyerno ang mga tao eh may pera naman
kung gugustuhin nila. Ang daming pondong hindi nagagamit tulad ng mga natuklasan ng Commission on Audit (COA).
Nanghihinayang ang gobyerno na pakawalan ang P131 billion na koleksyon sa buwis sa langis kaya ang solusyon nila, kalunos-lunos, P1.33 na ayuda kada tao buwan-buwan.
Ang populasyon ngayon sa Pinas ay 109 million at kung bawat pamilya ay may 5 miyembro, meron tayong 21.8 million pamilya, gagastos ang gobyerno ng P4.3 billion kada buwan.
Tatlong buwan o mula Mayo hanggang Hulyo planong magbigay ang gobyerno ng P200 ayuda kada pamilya kaya suma total, P13.08 billion lang ang ibibigay na ayuda.
Katiting lang ito sa P131 billion na koleksyon sa excise tax sa mga produktong petrolyo. Diyos ko naman, masyado niyong tinitipid ang mga tao. Pinagdadamutan niyo ang mga tao.
Hindi ba trabaho ng gobyerno na tulungan ang mga tao na guminhawa ang buhay? Hindi ‘yan ramdam ng mamamayan. Imbes na tulungan, parang ininsulto niyo pa sila sa kanilang kalagayan.
Wala kayong awa. Hindi baleng magutom at maghirap ang mga tao huwag lang mabawasan ang buwis na kinokolekta niyo sa mga tao.
Bakit ayaw niyong isakripisyo kahit sandali ang buwis sa langis eh lahat ay matutulungan nang direkta kumpara sa P200 kada buwan niyo na siguradong hindi naman lahat ng pamilya ang makatatanggap.
Problemado ba kayo kung saan niyo kukunin ang pambayad sa trilyong trilyong piso na inutang niyo noong kasagsagan ng pandemya na nahaluan pa ng anomalya tulad ng nabuking na Pharmally scam? Kayo talaga!
